MASAYANG nakakuwentuhan ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer si Ambassador Igor Khovaev ng Russia.
Matapos anya ang matagumpay na pagbisita ni Pangulong Duterte kay Russian President Vladimir Putin, maraming mga kasunduan ang kanilang nabuo sa pagitan ng dalawang bansa.
Maraming mga negosyo ‘anya ang puwedeng ipasok ng Russia sa Pilipinas at gayon din ang mga Pinoy na maaaring makapagtayo ng kanilang mga negosyo roon.
Isa sa mga napagtuunan namin ng pansin ang oportunidad naman para sa ating mga OFW.
Kumpiyansa si Khovaev na mabubuo ang kasunduan sa larangan ng paggawa (labor) sa pagitan ng Russia at Pilipinas upang masisigurong protektado ang ating mga OFW.
Hindi ‘anya nila pahihintulutan ang mga ilegal na gawain tulad ng “illegal recruitment”.
Magbubukas ng mga patrabaho ang Russia ngunit hindi maaaring pagsamantalahan ito ng mga illegal recruiter.
Isang kumpletong “labor package” ang inaasahan ni Khovaev na ipatutupad sa sector na ito.
Hindi maaaring pumasok ang isa bilang turista ngunit may intensyon pala itong magtrabaho roon.
Kwenta po ng ambassador, iba raw ang \Russia. Hindi pupuwde ang ganoong style. Wala ring kukuha sa kanilang employer kung malalaman nilang ilegal silang pumasok sa nasabing bansa.
Idiniin ni Khovaev na istrikto sa Russia. Parusang kamatayan ang maaaring ihatol sa sinumang mahuhuling gumagawa ng ilegal na mga gawain doon.
Kaya umaasa si Khovaev na mabubuo ang kasunduang ito sa lalong madaling panahon.
Sabi pa niya, welcome sa Russia ang ating mga OFW. Kasabay din nito ang panghihikayat niya sa mga negosyanteng Pinoy na subuking magdala naman ng mga negoosyo sa nasabing bansa.
Sabi pa ni Khovaev, tulad ‘anya ng pagkakaibigan ng dalawang pangulo, ng Pilipinas at ng Russia, umaasa silang simula ito ng mas malalim na ugnayan at pagkakaibigan ng kanilang mga mamamayan.
Handa silang tumulong sa Pilipinas at welcome din naman sa Russia kung anuman ang maaaring maibahagi ng bansa sa kanila.
Aasahan natin ang mabilis na kasunduang ito para sa ating mga OFW na maaaring subukan ding makapagtrabaho sa Russia.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com