NITONG linggong ito ay sinimulan na ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng tinatawag nilang PUV Modernization Program kung saan layunin na lagyan ng lohika ang ruta at serbisyo ng mga bus at jeepney sa mga lansangan.
Sa bagong programa, nais sana ng DOTr na magkaroon ng mas makabago, malinis at maayos na mga pampublikong sasakyan gaya ng jeep at bus na bukod sa moderno ay ligtas sa aksidente.
Nais din nito na magkaroon ng maayos at logical na sistema ng pagbuo ng ruta ng mga PUV’s para maisaayos rin ang daloy ng trapiko sa mga lansangan.
Kaakibat sa programang ito ay ang mga local government units na silang tutukoy ng mga ruta ng PUVs, at magpapatupad ng batas sa modernisasyon ng mga sasakyang papayagan bumiyahe.
Mahigpit na rin ang gagawing pag-apruba ng Land Transportation and Franchising Board (LTFRB) sa mga prangkisa ng mga PUVs.
Magkakaroon din ng mga educational at information campaign para sa mga driver ng PUVs at refresher course sa tamang pagsunod sa batas trapiko.
Sa papel ay maganda tingnan ang bagong programa ng DOTr. Maayos at bagong PUVs, logical na ruta ng mga bus at jeep, at mahigpit na pagpapatupad ng batas trapiko.
Nais nating magtagumpay ito. Nais nating maging efficient ang public at mass transport sa bansa. Nais natin na sa wakas ay batas at hindi “suggestion” lang ang iiral para sa mga drivers, private at public, hinggil sa pagsunod sa batas trapiko sa bansa.
Pero habang nasa kamay ng mga enforcer ang pagpapatupad ng batas, habang may contact ang driver at enforcer, habang kaya ng sindikato ng mga bus at jeep na makipag-usap sa mga pulis at enforcer at ayusin sila para hindi sitahin ang mga ilegal at colorum nilang sasakyan, mahirap makita ang tagumpay nito.
Puwede naman kasi palawakin ang no contact policy para sa mga violators. Sa Amerika, pag merong parking violation, ikinakabit lang sa windshield o kaya ay iniipit sa bintana ang tiket. Kapag pinara ng enforcer ay tiket agad, wala ng kuwentuhan. Kung may reklamo ay dalhin sa Traffic Adjudication Board.
Problema din ang bus at jeepney stop dahil kung saan-saan nagbababa at nagsasakay ng mga pasahero. Dito kailangan ang edukasyon naman sa mga pasahero at pedestrians dahil hindi lamang ang driver ang may problema kundi mga pasahero rin.
Kailangan matutong pumila ang mga pasahero sa tamang sakayan at babaan. Kailangan matuto ang mga pasahero na pabayaan munang bumaba ang nakasakay bago sila sumakay.
Kayang-kaya naman ito ng DOTr kung matuturuan nang maayos ang mga enforcer nila.
Dahil ang pinakamalaking problema natin ay ang maledukado o hindi edukadong enforcer na hindi alam ang batas na ipinatutupad nila.
Para sa komento o reaksiyon sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com or sa inquirerbandera2016@gmail.com.