SA edad na 28, masasabing nasa marrying age na ang isa sa cast ng seryeng The Better Half na si Shaina Magdayao.
Kaya naman biniro namin siya kung ano pa ang hinihintay niya at nananatili pa rin siyang single, ang mabilis na sagot ni Shaina sa amin, “Paano? Actually, sobrang tight ng schedule ko.”
Oo nga, araw-araw kasi ang taping ng The Better Half pero hindi naman daw sila hand-to-mouth (magte-taping ngayong araw at ipalalabas din kinagabihan) dahil may two days silang nakabangko.
Paano mag-aasawa ang aktres kung wala naman siyang boyfriend? Sabi nga ng dalaga, “Wala pa, hindi ko rin masasabi kung kailan, hindi pa siya nabi-bless, hindi pa ibinibigay (ni God). Siguro kasi marami pang ipinapagawa sa akin si Lord, gawin ko raw muna mabuti lahat, tapos baka ‘yun ang reward ko.”
Bagama’t gustong magkaanak ni Shaina ay tila mahihirapan siya dahil meron siyang hypothyroid.
Aniya, “Mahihirapang mag-conceive, may mga complication. Pero handa ko namang ibigay ang oras ko…pero ‘wag naman mga 40 (years old), kayo naman!”
Biniro kasi namin siya na baka makapag-asawa siya sa edad na 40. Bagama’t walang lovelife si Shaina ay blooming naman siya kaya kinulit siya ng ilang taga-media kung sino nagpapasaya sa kanya ngayon.
“I’m in a good place, everything that’s happening. I cannot single out a certain person because parang lahat, it’s all falling into place.
“My personal life and my career, I can really say na I’m in a good place. Kasi, masaya ako sa trabaho ko, masaya rin ako sa personal kong buhay,” napangiting sagot ng dalaga.
May bagong foundation na bubuksan si Shaina kasama ang kanyang non-showbiz friends, ito ang Smile Care Foundation And Research Institute na ilo-launch sa June 29.
Kamakailan ay nagpunta ng Siargao Island si Shaina para bisitahin ang isang ektaryang lupa na ibinigay sa kanila para pagtayuan ng opisina ng nasabing foundation
“Ngayon, may diversion ako, which is the foundation and I guess, I realized na you don’t really have to be that to serve (gusto kasing mag-madre rati). So, ‘yun ‘yung bago kong pinagkakaabalahan,” saad ng dalaga.
q q q
Pinapurihan naman ni Shaina ang buong unit ni Ms. Ginny Ocampo na siyang namamahala sa production ng The Better Half dahil ang gagaling daw lahat mula sa writers hanggang sa production staff down to utility na pawang masarap katrabaho dahil nagtutulungan kaya ang saya raw nila sa set.
Sabi ni Shaina ay ibinabalik niya ang pasalamat sa GMO unit dahil sa success ng kanilang serye.
Sa tanong namin kung ano ang pinakamahirap at hindi malilimutang eksenang ginawa nila sa The Better Half na mainit na pinag-uusapan sa hapon ng mga manonood, “Buong script mahirap. Mahirap ‘yung character ko bilang Camille at marami na akong drama na ginawa, pero iba ‘yung lalim ng character na pinagdaanan ni Camille as a person, tapos iba-ibang level pa.
“Kasi mayroong young love (Carlo Aquino) tapos hindi ko alam kung sino sa kanila ang greatest love (ni Camille) kaya kailangan kong ipakita ‘yung pagmamahal ko sa dalawang tao.
“Marami akong eksenang nagawa na hirap ako, ang hindi ko malilimutan ay ‘yung sa bundok kasi sunrise, e, mahilig ako at sa sunset din.
“Para akong na-energize on that particular taping kasi nakita ko ‘yung sunrise at sunset sa bundok na sobrang ganda. Pero ang hirap niya kasi you have to wait for the sun to rise,” sabi pa ni Shaina.
Masaya sa set ng The Better Half at saksi kami sa magandang bonding ng cast, nakita namin kung paanong biruin nina Shaina, Carlo, JC de Vera at Denise Laurel ang staff during taping, isama na ang assistant director nilang si Panying na paborito rin ni direk Cathy Garcia-Molina.
Extended ang The Better Half na napapanood sa Kapamilya Gold pagkatapos ng Pusong Ligaw.