Nanny forever, pero OK lang

MAHIGIT 30 taon nang yaya si Adelfa sa Hong Kong. Nang mag-asawa at magkaroon ng anak ang kanyang alaga, siya na rin ang pinakiusapan nitong maging yaya ng sanggol. Biro nga ni Adelfa, apo na niya ang alaga ngayon.

May sariling mga apo na rin siya sa kanyang tatlong mga anak sa Pili-pinas. Ngunit kailanman ay  hindi raw niya naranasang mag-alaga sa sariling mga apo. Dahil kung umuwi siya ng Pilipinas, hindi nga raw niya halos kinukumpleto ang isang buwang bakasyon dahil mas gusto niyang nananatili sa Hong Kong, na siyang gustong-gusto ng kanyang  mga amo dahil mas nakakapagplano pa ang mga ito ng bakasyon sa labas ng Hongkong.

Siyempre, mas gusto ni Adelfa iyon dahil isinasama siya kung saan-saang mga bansa nagpupunta ang mga ito.

Libreng “around the world” iyon para sa kanya.

Nang tinanong namin siya kung kailan niya balak  bumalik ng Pilipinas “for good” ay tigas ang kanyang pag-iling.

Walang-wala umano siyang kabalak-balak na bumalik ng Pilipinas.

Bakit nga naman daw siya uuwi? Marami pa raw siyang obligasyon. Kahit tapos na ang tatlo niyang anak sa pag-aaral, siya pa rin  ang nagpapaaral sa kanyang mga apo.

Iyon na lang daw ang kontribusyon niya sa halip na mag-alaga sa kanila.  Nagpapadala na lang daw siya ng pang-eskwela ng mga apo.

Kung tutuusin, mas mahal ang matrikula ng mga bata kaysa suportahan ang matatanda na. Dagdag pa niya, may kapatid pa rin siyang pinatatapos at ilang mga pamangkin na tinutulu-ngan din.

Hayyyy si Adelfa, pilit pinapasan ang daigdig!

Marami ang katulad ni Adelfa. Tapos na sana sa pangunahing obligasyon ng mga ito,  meron pa ring nadagdag nang nadadagdag.

Nalimutan na yata nilang tumatanda rin sila, humihina at anumang oras ay maaaring magkasakit at hindi na makapagtrabaho pa.

Marami rin ang baon sa utang kung kaya’t para sa iba, kahit hindi na kaya, pilit pa nilang kinakaya. Kailangang kayanin.

Kapag nababanggit kay Adelfa ang mga bagay na ‘yan, ayaw niya itong pakinggan. Malabong mangyari umano sa kanya iyon. Ang lakas-lakas pa naman niya at feeling “superwoman” pa nga siya.

“In-denial” nga ang ating bida. Kaya iniiwasang mapag-usapan, natatakot kasi siyang harapin ang katotohanan.

Naka-program na  sa utak niyang “nanny siya forever” at never siyang magpapahinga “for good” dahil kaya pa naman daw niya.

Nasa isip ng ating mga OFW ang mga katagang “kaya pa nila” at burado ang mga salitang “hindi na nila kaya” o hindi na sila puwedeng magtrabaho”. Natural lang naman din iyon dahil nakalagay sa ating mga isipan ang kawalang-hanggan dahil iyon ang orihinal na layunin ng Diyos sa tao, ang mabuhay magpakailanman.

Kakaiba talaga ang pakiramdam ng ating mga OFW kapag nasa ibayong dagat, kahit mahirap ay kayang tiisin dahil kumikita na nga naman sila ng malaki at may siguradong naipadadala pa sa kanilang pamilya. Maliban doon, ayaw na nilang mag-isip ng iba pa, dahil “stress” lamang umano ang mga iyon.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming:  www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...