ANG tindi ng pilot episode ng La Luna Sangre nu’ng Lunes. Tinalo agad nito ang katapat na programa sa ratings game (33.9% vs 13.8%) mula sa Kantar Media survey nationwide.
Partida, hindi pa lumalabas ang mga karakter nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo dahil developing story pa lang ang ipinalalabas. E, di lalo na kung lumaki na sina Tristan (DJ) at Malia (Kath)?
Kasama pala si Hashtag Paulo Angeles sa cast at may highlight agad siya. Si Paulo ang bumida sa opening ni direk Cathy Garcia-Molina na akala namin ay TV commercial lang dahil very light lang ang eksena.
Nagmamaneho at may kausap sa cellphone na nakangiti hanggang sa may nasagasaang tao kaya bumaba ng sasakyan pero wala siyang nakita. Pero nang pasakay na uli siya sa sasakyan ay nakita niya sa side mirror ang lalaking bampira at bigla na lang siyang sinakmal.
Ang ganda ng top shot ni direk Cathy para lang ipakita ang sasakyan ni Paulo at ang nasirang daan sanhi ng pagkakabangga ng bampira. Fast forward: ipinakita ang masayang pamilya nina Mateo (John Lloyd Cruz) at Lia (Angel Locsin) na naglalambingan maski sa harap ng anak nilang si Malia.
Para sa mga hindi nakapanood ng dalawang installment ay may back story si direk Cathy para hindi malito ang viewers na nagsimula nga sa Lobo nina Piolo Pascual (Noah) normal na tao na nagkagusto kay Lyka na isang lobo (Angel) hanggang sa sequel nitong Imortal kung saan nga nakilala ang karakter ni Mateo (Lloydie).
Kasama rin sa cast si Wowie de Guzman bilang taong gobyerno na nagbigay ng babala kina Victor Neri, Ina Raymundo, Joross Gamboa, Bryan Santos at marami pang iba na may bampirang nanggugulo dahil sa pagkawala ni Hashtag Paulo.
Loyalista sina Joross (lobo) at Bryan (bampira) kina Mateo at Lia kaya nagkatinginan sila na baka may hindi magandang ginagawa ang grupong pinamamahalaan ng mag-asawang Victor at Ina.
Pinuntahan ni Joross sina Mateo at Lia na nag-anyong lobo kaya hindi siya agad nakilala ng dalawa hanggang sa nag-anyong tao at sinabi nito ang problema sa konseho at kailangan nila ang tulong ng dalawa dahil may masamang plano ang grupo nina Victor Neri at Ina Raymundo.
Pero tumanggi sina Mateo at Lia dahil ayaw na nila ng magulong buhay at ang inaalala na lang nila ay ang anak nilang si Malia.
q q q
Sa mundo ng mga tao ay nakakatuwa ang gumanap na batang Daniel Padilla bilang Tristan dahil maski na bulol pa ay ang galing-galing nang umarte ng bagets at super-cute pa.
Gustong bigyan ni Tristan nang maayos na tungkod ang amang si Romnick Sarmenta kaya lagi siyang nawawala sa bahay para manghuli ng gagambang ipinamumusta at binabayaran siya at iniipon niya ito.
Kahit bugbog na sa gulpi si Tristan ng ama ay hindi pa rin siya tumitigil hanggang sa mabili at maibigay na niya ang tungkod. Very touching ang eksenang umiiyak ang bagets habang iniaabot sa tatay niya ang tungkod at sabay talikod ni Romnick dahil ayaw ipakita sa anak na naiiyak siya.
Kapag nagugulpi ay si Gelli de Belen ang gumagamot sa sugat ni Tristan at nagtataka kung bakit siya laging pinapalo ng ama.
Limang kuwento ang aabangan namin sa La Luna Sangre, ang una ay ano ang pakay at kalaban o kakampi ang grupo nina Victor at Ina kina Joross at Bryan.
Ano naman ang kuwento ni Romnick at pamilya niya at bakit ayaw niyang nawawala sa tabi niya ang anak na si Tristan pagsapit ng Blood moon.
Anong mangyayari kina Mateo at Lia at kung maiiwanan ba nila ang kasalukuyang buhay nila ngayon bilang tahimik at masaya.
Gaano katindi ang magiging labanan nina Richard Gutierrez bilang si Sandrino na pinakamapangyarihang bampira at Mateo na pinakamalakas na bampira kapag nagkaharap na sila.
Sa totoo lang, para kaming nanonood ng Hollywood movie na “The Twilight” sa laki ng pilot episode ng serye, unang gabi pa lang ay ang dami na agad nangyari.
Biruan nga ng mga katoto, “Uwian na! May nanalo na!”