F2 Logistics target ang ikatlong panalo sa PSL

Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
3 p.m. Petron vs Generika-Ayala
5 p.m. F2 Logistics vs Cherrylume
7 p.m. Sta. Lucia vs Cocolife
Team Standings: Pool C – Foton (4-0); Cignal (3-1); Petron (2-1); Generika Ayala (2-1)  Pool D – F2 Logistics (2-2); Sta. Lucia (1-3); Cocolife (1-3); Cherrylume (0-4)

HANGAD ng nagtatanggol na kampeong F2 Logistics Cargo Movers ang ikatlong sunod na panalo habang ikalawa naman ang asam ng bagitong Sta. Lucia Realty Lady Realtors sa pagsagupa sa magkahiwalay na kalaban sa mga nakatakdang laro ngayon sa 2017 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Una munang magsasagupa ang nasa Pool C na Petron Blaze Spikers at Generika Ayala Lifesavers sa unang laro alas-3 ng hapon bago sagupain ng Cargo Movers ang nagpipilit bumangon na Cherrylume Iron Lady Warriors sa alas-5 ng hapon na salpukan bago ang Lady Realtors kontra Cocolife Asset Managers sa alas-7 ng gabi.

Nananatili sa unahan ang Foton Tornadoes sa Pool C sa itinalang apat na sunod na panalo matapos huling biguin sa apat na set ang powerhouse Cignal HD Spikers noong Sabado. Nahulog ang HD Spikers sa ikalawang puwesto sa 3-1 karta habang magkasalo ang Blaze Spikers at Life Savers sa 2-1 panalo-talo.

Nanguna naman sa Pool D ang F2 Logistics na may 2-2 kartada kasunod ang Sta. Lucia at Cocolife na may 1-3 rekord at ang patuloy na naghahanap sa unang panalo na Cherrylume.

“Our goal is to be number one in our group,” sabi ng premyadong coach ng F2 Logistics na si Rami de Jesus, kung saan aminado itong ngayon pa lamang nagkakahulihan ng laro ang kanyang players matapos mabigo sa una nitong dalawang laro kontra sa Petron at Cignal.

Ito rin naman ang hangad ng iba pang koponan na nagpapainit sa torneo para sa magandang puwestuhan patungo sa krusyal na crossover quarterfinal round. Ang magwawagi sa quarters ay sasagupa sa semifinals bago tumulak patungo sa best-of-three finals showdown na magsisimula sa Hulyo 11.

“The problem with us in our first two games was that my young players got intimidated. We should correct that. We should play with the same hunger and intensity like we did when we won the title last year,” sabi ni De Jesus na nagwagi kontra Sta. Lucia at Cocolife.

Aasahan muli ni De Jesus ang mga national team members na sina Aby Maraño, Kim Fajardo at Dawn Macandili, Desiree Cheng, Tin Tiamzon at reigning UAAP Most Valuable Player Majoy Baron.

Inaasahan din na magiging maigting ang labanan ng Lady Realtors at Asset Managers.

Matapos mabigo sa tatlong sunod na laro, nakamit ng Lady Realtors ang pampataas moral na apat na set na panalo kontra sa Iron Lady Warriors sa tulong ng Filipino-American spiker na si MJ Phillips. Umiskor si Phillips ng 23 kills at dalawang aces para sa game-high 25 puntos kontra Cherrylume.

“She’s still adjusting. But I’m expecting her to play like that in our next few games,” sabi ni Sta. Lucia coach Sammy Acaylar, na sasandigan sina Lourdes Clemente, Janine Navarro, Pam Lastimosa at Danika Gendrauli kontra naman kina Michelle Gumabao, Cherylain Dizon at Wensh Tiu ng Asset Managers.

Read more...