Piolo tuloy ang laban sa mga pirata; planong tumakbo sa susunod na eleksiyon?

PIOLO PASCUAL

PINAIYAK ni Piolo Pascual ang madlang pipol sa Father’s Day special ng Maalaala Mo Kaya last Saturday kung saan binigyang-buhay niya ang karakter ni Tatay Ryan na sumikat sa isang sa viral photo sa social media.

Napanood din namin ang nasabing MMK episode at talagang hindi rin namin napigilan ang mapaluha sa mga eksena ni Piolo habang nakikipaglaban sa kanyang health condition.

Naparalisa kasi ang kalahating bahagi ng katawan ni Tatay Ryan na siyang nagpabago sa normal na takbo ng kanyang buhay. Ito rin ang dahilan kung bakit iniwan siya ng kanyang asawa na ginampanan naman ni Isabelle Daza. Sa kabila ng kanyang kalagayan, sinikap pa rin niyang itaguyod ang dalawa nilang anak.

Muling pinatunayan ni PJ na isa pa rin siya sa pinakamagaling na aktor ng kanyang henerasyon. Napakahirap ng kanyang role pero nabigyan niya ito ng hustisya. Talagang tutulo na lang ang luha mo habang pinanonood mo ang kanyang paghihirap.
“Pinilit ko talagang ibigay ‘yung pwede kong ibigay as a father, as an actor, and as a human being for people to realize na ano man ang circumstance natin sa buhay, it’s important na mahalin natin ang buhay at ang responsibility natin bilang tatay,” ani Piolo sa isang panayam.
Gusto rin namin palakpakan si Isabelle Daza na hindi nagpalamon sa galing ni Piolo sa nasabing episode.

Nakipagsabayan talaga ng aktingan si Belle kaya puring-puri rin siya ng mga manonood at ng mga netizen. In fairness, pang-best actress nga ang performance ng aktres sa “Upuan” episode ng MMK.
Samantala, kinakarir din ni PJ ngayon ang paglaban sa piracy sa bansa bilang isa sa mga advocacy niya bilang artista.

Kamakailan ay nag-contract signing na ang aktor bilang ambassador ng Optical Media Board kung saan nakasama niya ang ilang OMB officials kabilang na si Chairman Atty. Anselmo Adriano.

Nang tanungin kung may talent fee ba siya rito, sagot ni PJ, “This is just an advocacy for me. ‘Yung mga ganitong causes naman talagang hindi mo na kailangang pag-isipan. To be tapped by this agency is a privilege for me.”

Sa pagtanggap niya ng trabahong ito, diretsong sinabi ni Piolo na wala naman siyang planong tumakbo sa susunod na eleksiyon. Walang-wala raw sa isip niya ang maging politician.

“And being a businessman myself, ito na siguro ‘yung pwedeng maging advocacy ko in this business because it’s important for us to raise awareness using your celebrity status and your social media accounts,” aniya pa.

Read more...