Kokontrahin ba ng SC si Du30 sa ML?

MATAPOS ang tatlong araw na oral arguments at “executive session” sa Defense at military officials, inihayag ng Korte Suprema na magpapasya sila sa July 9 kung may basehan o wala ang May 23 order na “60 days Martial law in Mindanao”.

Ibig sabihin, magdedesisyon sila 14 araw bago mapaso ang 60-day Martial law sa July 23. Ito ba’y preparasyon na rin kung magkaroon ng “extension” ang na-turang martial law?
Noong June 9, bago ang oral arguments, ang sabi ni Pangulong Digong, susundin niya ang anumang desisyon ng Korte Suprema, pero nitong Sabado, iginiit niya na paulit-ulit siyang magdedeklara ng martial law kung lalaganap ang rebelyon na magtatayo ng Islamic state sa Mindanao.
“Kung ayaw nila (SC), okay ako. Sabihin nila na there is no factual basis then I am ready to order the military to withdraw and we will not move. Sila diyan (SC) kung kaya nila”, sabi ni Duterte.
Napaisip tuloy ako, paano nga kung magdesisyon ng kontra ang SC laban sa batas militar at biglang i-pullout ni Duterte ang sundalo sa Marawi City? Nais ba niyang sisihin ng bayan ang SC?
Tatlong “consolida-ted petitions” nina Reps. Edcel Lagman at iba pa na humahamon sa constitutionality ng martial law sa Mindanao samantalang may dalawang “mandamus” petitions sina dating Senador Rene Saguisag at Wigberto Tañada na humihiling sa SC na atasan ang Senado at House of Representatives na magdaos ng “joint session” at magkahiwalay na pagbotohan ang isyu ng martial law.
Ang nangyari kasi, merong magkahiwalay na Senate at House re-solutions na sumusuporta sa martial law kayat wala ng joint session. Utusan kaya ng Korte Suprema ang Senado at Kamara na magdaos ng “joint session”? Pwede ba yun kung co-equal branch sila, legislative at judiciary?
Sa ngayon, marami ang nagiispekula kung ano ang magiging desisyon ng SC sa martial law sa Mindanao. May impluwensya ba si Duterte sa Korte Suprema at ang nakaraang dilaw na daan?
Suriin natin ang “track record” ng Korte Suprema lalo na sa mga kasong pulitikal:
1. Noong November 2016, sa Marcos burial sa Libingan ng mga bayani, 9-5-1 pabor
2. Acquittal sa Plunder case vs. ex-President Gloria Macapagal-Arroyo, 11-4 pabor
3. Piyansa ni Ex-Sen. Juan Ponce Enrile sa kasong plunder, 8-4-3 pabor .
Sa ngayon, meron ng dalawang Duterte appointees sa SC: sina Associate Justices Samuel Martirez at Noel Tijam. Magreretiro sa susunod na buwan at sa Agosto sina Bienvenido Reyes at Jose C. Mendoza, samantalang sina Presbitero Velasco Jr. at Teresita de Castro ay sa 2018. At pagsapit ng 2019, apat na Associate Justices ang magreretiro sina Antonio Carpio, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza at Mariano del Castillo.
Kung babasahin ang bukas, pagdating ng 2019, ay walong appointees ni Duterte ang mapupwesto sa Korte Suprema na matuturing na maliwanag na ma-yorya.
Kung ngayon nga na dalawa pa lang ang appointee ni Duterte, ramdam na ang “ihip ng hangin” sa kataas-taasang hukuman, lalo na siguro kung walo na sila sa 2019.
At sa ganitong pagkakataon, manala-ngin na lang tayo na umiral ang tunay na “interpretasyon” ng Saligang Batas sa mga importanteng isyu ng bayan lalong lalo na sa rebelyon.

Read more...