Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
3 p.m. Sta. Lucia vs Cherrylume
5 p.m. Cocolife vs F2 Logistics
7 p.m. Cignal vs Foton
Team Standings: Pool C – Cignal (3-0); Foton (3-0); Petron (2-1); Generika-Ayala (2-1) Pool D – F2 Logistics (1-2); Cocolife (1-2); Sta. Lucia (0-3); Cherrylume (0-3)
MATINDING sagupaan ang inaasahan sa ikalawang round ng 2017 Philippine Super Liga (PSL) All-Filipino Conference matapos makumpleto ang bubuo sa isang ikot muli na labanan sa Pool C at Pool D kung saan idedetermina ang magiging ranking sa krusyal na crossover quarterfinals.
Unang magsasagupa ganap na alas-3 ng hapon ang nasa Pool D na kapwa baguhang Sta. Lucia Lady Realtors kontra Cherrylume Iron Lady Warriors bago sundan ng inaasahang magiging maigting na salpukan sa pagitan ng defending champion F2 Logistics Cargo Movers at Cocolife Asset Managers na maghihiwalay ng kanilang kartada sa alas-5 ng hapon.
Isa naman ang madudungisan sa ikatlo at panghuling laro sa pagitan ng Cignal HD Spikers at Foton Tornadoes na kapwa bitbit ang malinis na tatlong sunod na panalo sa ganap na alas-7 ng gabi.
Ang HD Spikers, na tinanghal na kampeon sa nakalipas na Invitational Conference, ay sariwa pa sa morale-boosting na apat na set na pagwawagi sa Cargo Movers sa tulong na rin nina Jovelyn Gonzaga, Rachel Anne Daquis at ang setter na si Chie Saet.
“We will be joining other strong teams in the second round,” sabi lamang ni Cignal coach George Pascua, na itinulak ang Petron Blaze Spikers sa pagwawalis sa All-Filipino Conference dalawang taon ang nakalipas. “So we have to be careful. We have to continue working hard because the stakes are getting higher.”
Nakumpleto ang dalawang pool matapos naman talunin ng nagtatanggol na kampeong F2 Logistics Huwebes ng hapon ang Sta. Lucia Realty, 25-14, 25-14, 25-16, upang tapusin ang unang round nitong kampanya sa pinakaaasam nitong unang panalo sa torneo.
“Ito lang naman ang gusto namin na malampasan eh, iyung makita ang mga errors muna namin bago makapanalo,” sabi lamang ng beterano at premyadong coach ng Cargo Movers na si Ramil De Jesus na pinutol ang dalawang sunod na kabiguan matapos ang tatlong laro.
Sinandigan ng Cargo Movers ang mga dating La Salle star na sina Ara Galang at Kim Fajardo upang maipakita ang tunay na kakanyahan ng mga nagtatanggol na kampeon na halos ilang linggo pa lamang nagkasama at nag-ensayo bago magsimula ang pinaka-prestihiyosong korona sa liga.
Makakasama ng Cargo Movers ang Cocolife, Cherrylume at tinalo nitong Lady Realtors sa Pool D habang ang mga powerhouse na Cignal, Petron, Foton at Generika-Ayala ang magkakasama sa Group of Death na Pool C.
Una nito ay tinalo ng Generika-Ayala ang baguhan at naghahanap pa lamang ng ekspiriyensa na Cherrylume Lady Iron Warriros sa loob lamang ng tatlong set, 25-16, 25-20 at 25-17.
Ang bawat miyembro ng dalawang pool ay magsasagupa sa isang round para madetermina ang kanilang ranking sa crossover quarterfinal. Ang magwawagi sa quarterfinals ay magkakaharap sa semifinals bago tuluyang sumampa sa best-of-three finals showdown.