Walang kamatayang problema sa balikbayan boxes

ILANG dekada na bang problema ng Pinoy ang mga balikbayan boxes na hindi nakararating sa kani-kanilang mga destinasyon?

Nagsisimula pa lamang ang Bantay OCW program noon, 20 taon na ang nakararaan, ito na ang problemang sumalubong sa amin.  Hanggang ngayon, eto pa rin ang problema.

Dalawang container van mula sa Hong Kong ang hindi na nailabas sa Bureau of Customs dahil walang umaako ng responsibilidad.

Natatandaan ko pa ang isang pamilya noon na halos magmakaawa araw-araw upang makuha ang mga kahong padala ng kaanak mula sa Hong Kong. Mga padalang damit iyon na gagamitin para sa kasal ng kapatid.

Mahigit 2,000 pala ang nagpadala ng kanilang mga kahon noon, at ni isa, walang dumating sa kanilang mga mahal sa buhay.

Ang pagpapadala ng balikbayan box sa Pilipinas ay simbulo ng pagmamahal ng ating OFW sa mga naiwanang kapamilya dito sa bansa. Pinaghihirapan at pinagsisikapan nilang mapuno ang mga kahong iyon sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan. Bawat suweldo, dinadagdagan nila iyon.

Ngunit tila yata walang pagbabago.

Ayon sa Department of Trade and Industry, mga balikbayan boxes na hindi naide-deliver ang numero unong problema pa rin sa mga cargo related cases.

Nasaan ba ang problema?

Katulad na lamang ng kaso ni Jocelyn. Galing siya ng China. Mahigit 10 taon na namuhay roon. Kaya nang mag-for-good, ipinadala niya sa Pilipinas ang lahat ng gamit na naipon niya.

Ang pagkakasabi sa kaniya ng cargo company sa China, bayad na anya lahat at tuloy na iyon sa kanilang bahay.

Ngunit mag-iisang taon nang naghintay si Jocelyn, walang mga kahong dumarating.

Kapag tumatawag siya cargo company sa Pilipinas, sinasabi nitong hindi pa nila mai-dedeliver iyon dahil wala pa itong bayad at kailangan pa siyang singilin ng halos katumbas na halaga din na binayaran niya sa China.

Kahit naman may pambayad si Jocelyn, hindi siya pumayag. Dahil hindi iyon ang napagkasunduan nila sa China. Ang sabi roon, bayad na lahat. Nagsampa ng kaso si Jocelyn sa DTI. Nagtuturuan ngayon ang mga cargo company dito sa Pilipinas kung sino nga ba ang may pananagutan.

Sa bandang huli, nanalo si Jocelyn. Hindi nga naman siya dapat pagbayarin pa. Bukod sa ipinadeliver ng DTI ang kaniyang mga balikbayan boxes, pinagmulta pa ang naturang kumpanya ng katumbas na halaga din na sinisingil nila sa ating OFW.

Nangyari ito sa loob ng isang taon.

Tanong ni Jocelyn, paano kung hindi siya nagreklamo at pumayag na lang sa bawat hingin nila? Animo hostage ang kaniyang mga kahon, dahil kung ayaw nilang ideliver ay talagang hindi nila gagawin iyon, at walang magagawa ang kaawa-awang OFW.

Payo ni Jocelyn, magreklamo kaagad sa DTI. At sa ating mga OFW sa abroad, piliin lamang ang mapagkakatiwalaan na mga kumpanyang subok na sa industriyang ito.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming:  www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...