SANA’y makatagpo ng kahulugan sa gitna ng kahirapan sa Marawi. Paano aakayin ang naninirahan sa dilim ng nauupos na pag-asa? Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (2 Cor 1:18-22; Slm 119: 130, 131, 132, 133, 135; Mt 5:13-16) sa ika-10 linggo ng karaniwang panahon
Ayon sa text ni Wali, ng Barangay Baliwasan, Zamboanga City, Enero pa lang ay may mga mensahe na sa social media hinggil sa pagtatatag ng Wilayah sa dalawang lungsod at tatlong bayan sa Mindanao, na isinusulong ng mga terorista mula sa Indonesia. Alam ito ng AFP dahil nagbabasa rin naman nila ang nilalaman ng social media. Anyari?
Nakabuyangyang ang Mindanao kaya’t isang bayan na ang dami ng foreign terrorists. Dahil sa kahirapan, marami ang kumanlong sa kanila kapalit ang pera; at di pananakot. May pangako ring edukasyon at kinabukasan sa Middle East. Kanino papanig ang mahihirap?
Panahon ni GMA nang makapasok ang Jemaah Islamiya at di ito lingid sa kaalaman ni Digong, mayor ng Davao City. Di masisisi si Digong kung dinedma lang niya ang paglakas ng terorista dahil wala naman siyang ambisyon maging pangulo (wala rin naman siyang nagawa nang bombahin ang Sasa).
Higit pang lalakas ang terorista kung aalisin ang martial law, na susog nina Bishop Emeritus Deogracias Iniguez, Auxiliary Bishop Broderick Pabello at iba pang pari’t madre. Sa Mindanao, pabor ang mga obispo’t pari sa martial law. Ito ang problema ng mga Katoliko. Sino ang tama?
Terorismo sa Visayas? Ideal spot ang Metro Cebu. Terorismo sa Luzon? Right place ang Metro Manila, kung propaganda (muna) ang pakay ng ISIS. Nakatatakot? Di tayo inihanda ng mga politiko’t gobyerno. Ang masakit, hindi tinitiyak ng gobyerno na walang magaganap na terorismo sa Visayas at Luzon. Ang tanging sinabi ng gobyerno ay “maging mapagmatyag.”
Nawa’y may mangyari nga sa pagmamatyag ng taumbayan. Pero, paano magmamatyag ang mamamayang halos buong araw ay gadget ang hawak, nakikinig sa tugtugan ng FM stations at hindi sa balita ng AM? Paano magmamatyag ang mamamayang walang pakialam sa mga nangyayari sa paligid, lulong sa droga’t alak?
Kapag natapos na ba ang bakbakan sa Marawi City ay lalatag na ang katahimikan? Nililimliman na ng mga terorista ang Sarangani, lalawigan ng Sen. Manny Paquiao, at Sultan Kudarat. Nakakalat din sila sa Lanao del Sur, Liguasan Marsh at Maguindanao. Marawi pa nga lang ay marami na ang nalagas sa gobyerno, doon pa kaya sa nabanggit na mga lugar at mga bayan at lungsod na di akalaing nakabase na ang manliligalig?
Kapag halos kalahati na lang ang puwersa ng AFP at PNP, saan kukuha ng panlaban ang gobyerno? Mahigit isang milyon ang bilang ng shooters, pero pinahirapan at ginipit sila ng gobyerno sa renewal ng gun license. Meron pa ngang apela sa Supreme Court ang mga shooters para huwag doble-doble ang lisensiya sa isang baril, pero wala pang nangyayari.
Ang shooters na mapagmatyag kontra terorista ay nasa Iligan City. Ito ang dahilan kung bakit hindi itinuloy ng grupong Moro ang paglusob sa lungsod ilan taon na ang nakalilipas. Kukuha ng puwersa ang gobyerno sa hanay ng security guards? Nakakita nga lang ng baby, botak na. Walang firepower ang mga sekyu.
Usung-uso ang fake news. Dito malalaos ang social media. Ito rin ang magiging dahilan para magbalik-pahayagan ang mambabasa. Kung noon ay nangamba ang malalaking publishers na sila’y lalamunin ng webnews, ngayon ang panahon para patatagin ang dyaryo; hindi fake news, dahil inilalahad ang magkabilang panig. The printed word [in the newspaper] is alive, ani Kerima Polotan noong 1982.
PANALANGIN: Jesus, iginagapos ko ang puwersa ng diyablo na kumikilos laban sa aking pamilya. Fr. Mar Ladra, healing priest, Diocese of Malolos
REKLAMO mula sa Bayan (0916-5401958; litobautista5319@yahoo.com): Ang dalangin namin, game over na ang gera sa Marawi. May kamag-anak kami roon. Laila, Barangay Kulay Bato, Lamitan City, Basilan …8854
Fake news financed by rich. Poor? Only probable. GJ, Barangay Ciriaco C. Pastrano, Oroquieta City …1131