SI Marine 1st Lt. John Frederick Savellano, isa sa mga nasawi sa labanan sa Marawi City ay kandidato na para maging medal of valor awardee.
Sinabi ni Maj. Gen. Emmanuel Salamat, Marine commandant, nagpakita ng pambihirang kagitingan at katapangan si Savellano kahit sa harap ng tiyak na kamatayan.
Kung tatanggapin ang rekomendasyon ni Salamat, mabibilang si Savellano sa isa sa mga kakaunting bilang ng mga kawal na tumanggap ng medal of valor.
Sa kasalukuyan, 44 ang tumanggap ng pinakamimithing medalya, pero 14 lang ang buhay, kabilang na rito sina Lt. Gen. Arturo Ortiz, dating Philippine Army chief, at retired Marine Col. Ariel Querubin.
Si Savellano, 29, ay tinamaan ng shrapnel ng mortar round habang pinangungunahan niya ang kanyang mga tauhan sa pagsagip ng 10 iba pang Marines na na-trap malapit sa mga hanay ng kabahayan kung saan ilang miyembro ng Maute group ay nagtayo ng mga mortar at snipers’ nests.
Dalawang araw bago siya nasawi, si Savellano at ang kanyang mga tauhan ay nakakita at nagsoli ng P52.2 milyon sa isang bahay na naagaw nila sa mga terorista.
Ang mga 10 Marines na na-trap ay nasagip, pero napatay ng mga terorista si Savellano sampu ng kanyang 12 na mga tauhan, kasama ang kanyang executive officer.
Sinabi ni Pvt. Pablo Obis, isa sa mga naka-survive at ngayon ay gina-gamot sa Marine Base hospital sa Fort Bonifacio, na tumatakbo si Savellano patungo sa lugar, kung saan na-trap ang 10 Marines, nang siya’y tamaan ng mortar round sa kanyang tuhod.
Habang nakaluhod si Savellano ay binaril naman siya ng sniper sa ulo.
Kung hindi tinamaan ng sniper sa ulo ang batang tinyente, sana’y nabuhay siya pero hindi na siya makakalakad pang muli.
Hindi gusto ni Savellano ang ganoon.
“Alam mo, Ma, mabuti pang mamatay na lang ako kesa maging baldado ako habambuhay,” minsan niyang sinabi sa kanyang ina na si Mercy Sagmit-Savellano, 56, isang car sales executive.
Pinasalamatan ni Mercy at ng kanyang mister na si Freddie, 57, ang inyong lingkod nang ako’y dumalaw sa lamay ng kanilang anak sa Marine chapel.
Pero sinabi nilang dapat hindi ko sabihing “condolence” kundi “congratulations” dahil namatay ang kanilang anak na isang bayani.
“Namatay na isang bayani ang aming anak. Ginusto niya yun,” sabi ng mag-asawa.
Kahit na noong siya’y bata pa ay gustong ma-ging sundalo si John Frederick.
Siya’y isang nurse na nagtapos sa Far Eastern University, pero sumali siya sa Philippine Marine Corps dahil parang walang kahulugan sa kanya ang magtrabaho sa isang private hospital, ani Mercy.
Isang reserve officer, si Savellano ay pinadala sa US Marine Basic Officers’ Course sa Quantico, Virginia. Natalo niya ang iba niyang kasamahang opisyal, na mga graduates ng Philippine Military Academy, sa pag-aplay sa US schooling.
Nang purihin ni Mercy ang kanyang anak sa telepono sa kanyang pagsoli ng P52.2 milyon sa mga awtoridad, sinabi ni John Frederick, “Ma, hindi dahil pinoprotektahan ko ang aking career, it’s about my integrity and that of my organization (the Philippine Marine Corps).”
***
Dapat nating purihin ang mga Marines hindi lang dahil sa kanilang ka-tapangan kundi sa kanilang integridad, sa katauhan ni Savellano.
In contrast, dapat na-ting tuligsain ang mga pulis, guwardiya at bombero na nagresponde sa shooting rampage at sunog sa Resorts World hotel and casino.
Sinabi ng aking source sa hotel-casino, na ayaw makilala, na nawawala ang P200 milyong cash sa casino matapos halughugin ng mga pulis at bombero ang lugar.