SA masusing pagsusuri, nakadepende na halos ang buhay ng tao ngayon sa social media. Para bang hindi makukumpleto ang araw ng isang indibidwal kung hindi makapagbubukas o makikibahagi o kahit tumingin lamang sa kanyang social media account.
Itinuturing ngang pandaigdigang tambayan ng mga tsismosa at tsismoso ang social media. Pagmulat pa lamang ng mata, ito na ang kanilang binubuksan.
Kaya naman naglipana rin ang tinaguriang mga fake news, na kung hindi magiging maingat ang isa, madali niyang paniniwalaan ang bawat mababasa at ang matindi pa nga, ikakalat pa niya iyon.
Feeling mga komentarista at mga manunulat naman ang iba. May komento sa bawat isyu, basta may masabi lang.
Ito rin ang pinag-uugatan ng maraming mga di-pagkakaunawaan, maaanghang na palitan nang masasakit na mga salita, inggitan at iba pa.
Kung tutuusin, napakaraming oras ang ginugugol nila sa mga walang kabuluhang pinagkaka-abalahang ito ng tao. Kung magtatapatan lamang, gaano kaya karaming oras ang naaaksaya ng isa sa paggamit ng social media sa halip na inilalaan iyon sa mas kapakipakinabang na mga bagay?
Sa mga panahong may krisis, sa loob at labas man ng bansa, pinapayuhan tayong huwag dumepende sa social media. Hindi rin ganoon kasimple ang basta pagpo-post ng mga litrato. May kaakibat itong responsibildad. Lalo lang kasing magdudulot ito ng higit na pangamba at takot pa nga sa mga mambabasa lalo pa’t hindi naman iyon galing sa mga pinagkakatiwalaang news organization, mga balitang kung saan lang nasagap at hindi naman naberipika kung tama o mali nga ba ang naturang report.
E, di lalo pa sa ating mga OFW na tila yata abot-kamay ang lahat. Palibhasa may pera, malaki silang kumita, madali silang makakuha ng pinakabagong mga gadget. May mabilis na access sa broadband. At may kalayaan na mahawakan at buksan iyon anumang oras nilang naisin.
Ngunit ito rin ang panahong hinihimok ang lahat na gamitin natin ang mas malalim na pang-unawa sa mga bagay-bagay.
Kapag kailangan nating malaman ang pinakahuling mga balita, magtungo sa mga trusted site ng media at news organization. Tulad na lamang ng mga kababayan natin sa ibayong dagat, ayon sa kanila, kapag balita, magse-search muna sila sa inquirer.net. Tama naman sa halip na sa social media. Maiiwasang mabiktima kayo ng maling mga balita at sa bandang huli ay lilikha lamang ng kaligaligan sa inyo na wala naman palang basehan. Na-stress pa kayo bukod sa napakaraming panahon pa ang nasayang.
Lalo pa sa abroad, napakahalaga ang mga balitang dapat makarating sa ating mga kababayan. Dapat na makatotohanan iyon, tumpak at maaasahan. Kaya kung aasa tayo sa social media, hindi kayo makasisigurong truthful, reliable at accurate information nga ang mga iyon. Maging responsable sa paggamit ng social media. Pero kung maiiwasan, puwedeng kontrolin na ang paggamit niyon hanggang sa tuluyan na ninyong makaligtaang buksan. Dahil maaaring kapahamakan pa nga ang kahahantungan ninyo kung masasanay kayong dumepende na lamang sa social media.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com