SINUPALPAL ni Angel Locsin ang isang basher na tumawag sa kanyang “plastik” dahil sa pagpunta niya sa Iligan City para magbigay ng tulong sa mga biktima ng giyera sa Marawi.
Nag-post kasi ang Kapamilya actress sa kanyang Instagram account ng ilang litrato na kuha sa Marawi kung saan makikita ang ginagawang airstrike ng mga sundalong Filipino laban sa mga terorista.
Isang netizen (@rhodoraazuelo) ang nagkomento sa IG ni Angel at sinabi nga nitong “fake” at “plastik” ang aktres, nagtungo lang daw ito sa Mindanao para sa publicity. Kung talagang sincere ang dalaga sa pagtulong sana raw ay hindi na ito nagpakuha ng litrato, lalo na ang pag-aabot nito ng tulong sa mga refugees.
At dahil pa-Ingles-Ingles pa ang basher sa paninira kay Angel, ito lang ang nasabi ng aktres sa kanya, “@rhodoraazuelo, ate pwede mo ako kausapin ng tagalog para hindi ka na mahirapan at magkaintindihan tayo.”
Pero hindi ito pinalagpas ng mga followers ni Angel at talagang kinuyog ang basher. Pinatikim din siya ng masasakit na salita ng mga fans.
Sabi ng isang netizen, “Ikaw ba @rhodoraazuelo may nagawa ka na para sa bayan? Kung makapagsalita ka parang ang dami mong natutulungan? Karapatan niyang i-share ang mga nakita niya sa Mindanao para malaman mong napakaswerte mong tao. Shame on you!”
Ang komento naman ng isa, “Hindi na niya kailangan ng publicity, kayang ibigay yan ng network niya. Yung mga katulad mong tao ang dapat binabaril sa marawi!”
“Hindi na nya need ang publicity ULOL ka! Kahit nakaupo lang siya sa isang sulok, papansinin sya ng mga tao. Maraming nagmamahal sa kanya, e, ikaw may nagmamahal kaya sa yo?” ang sabi naman ng isang tagapagtanggol ni Angel.
At ito pa, “Ikaw ang fake! Hindi mo nga mailabas itsura mo e. baka naman ikaw yung babaeng inggit na inggit kay Angel kaya puro kabahuan ang lumalabas dyan sa bunganga mo! Mahiya ka sa magulang mo, siguro kung alam lang nila ginagawa mo isusumpa ka rin nila!”
Kumalat din sa social media ang isang video na kuha ng Tudla Productions kung saan mapapanood ang pagbisita ni Angel sa isang evacuation center sa Iligan.
Isang nagngangalang Ustadjh Hadj Abdulkarim Ambor ang sumalubong kay Angel at nagtanong kung bakit nagdesisyon siyang magtungo roon sa kabila ng banta sa kanyang buhay.
Ang tugon ng dalaga, “Bilang taga-Maynila po ako, gusto ko po sanang makita personal at ma-experience kung kamusta po ang kalagayan niyo dito at malaman din kung ano po ang mga kailangan ninyo na tulong para mas gumaan kahit paano ang nararamdaman n’yo.”
Kasabay nito, nakiusap din ang nasabing residente kay Angel na kung maaari ay maipaabot niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang hiling na tapusin na ang kaguluhan sa Marawi para matahimik na ang kanilang buhay.