Aguirre nais na Taguig court ang humawak ng mga kaso vs Maute

HINILING ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa Korte Suprema na italaga ang Taguig Regional Trial Court bilang special court na siyang hahawak sa mga kaso laban sa mga nahuling miyembro at tagasuporta ng teroristang grupong Maute.
Sa isang sulat kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, hiniling din ni Aguirre sa Kataastaasang Hukuman na italaga ang Special Intensive Care Area (Sica) sa Camp Bagong Diwa bilang espesyal na detention facility ng mga naarestong Maute.
“[Sica] houses high profile and dangerous individuals,” sabi ni Aguirre.
Ginawa ni Aguirre ang kahilingan matapos makipagpulong sa mga prosecutor sa Mindanao.
Ayon kay Aguirre, nagpahayag ng takot ang mga prosecutor, opisyal ng korte at mga empleyado dahil sa paghawak sa kaso ng mga miyembro ng Maute.
Nauna nang itinalaga ng SC ang Cagayan De Oro court na siyang hahawak sa mga kaso ng Maute.
Iginiit ni Aguirre na malapit pa rin ito sa Marawi City at Lanao del Sur kung saan nagtatago ang mga miyembro ng Maute.
“The facility is not secured enough to be a venue of a high profile, very dangerous group of individuals,” dagdag ni Aguirre.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang mga miyembro ng Maute sa Cagayan De Oro noong Lunes.
Agad silang inilipad sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Read more...