2-0 Finals lead target ng SMB

Laro Ngayon
(Ynares  Arena, Pasig)
3 p.m.  San Miguel Beer vs Indonesia Warriors

MAHALAGANG 2-0 bentahe ang balak hagipin ng San Miguel Beermen sa paghaharap uli sa nagdedepensang kampeon na Indonesia Warriors sa pagpapatuloy ng 4th ASEAN Basketball League (ABL) Finals ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Sa ganap na alas-3 ng hapon magsisimula ang bakbakan at nais ng Beermen na maduplika ang 75-70 panalo na nakuha sa Warriors noong Biyernes ng gabi.

“They are the defending champions. You can’t take anything away from them. They will come back in the next game and it’s going to be even harder to get a win,” wika ni Paul Asi Taulava na siyang nagbida sa unang tagisan sa best-of-five title series.

Kung manalo pa ang Beermen, puwede nilang tapusin ang serye sa road dahil ang Games Three at Four ay gagawin sa Jakarta, Indonesia sa Hunyo 12 at 15.

Para makadalawa, dapat na magpatuloy ang magandang ipinakikita ng mga locals sa pangunguna ni Taulava na may 22 puntos (10-of-14 field goals) at 10 boards.

Kuminang din sina Chris Banchero, Val Acuña at Leo Avenido na nagsanib sa 40 puntos. Dapat ding manatili ang matibay na depensa ng Beermen na kinatampukan ng pitong blocks galing kay Justin Williams.

Tiyak naman ang adjustments na gagawin ni Warriors coach Todd Purves para magkaroon ng momentum pabalik sa kanilang lugar.Gumana si Steve Thomas sa kanyang 20 puntos at 17 boards habang 14 puntos ang ibinigay ni Chris Daniels.

Ngunit sina Stanley Pringle, Mario Wuysang at Jerick Canada ay dapat na nakitaan ng mas magandang shooting para gumanda ang tsansang manalo ng dayong koponan. Tumapos sina Pringles at Wuysang ng 15 at 13 puntos ngunit nagsanib lamang sila sa 12-of-30 shooting.

Ang Filipino import na si Canada ay nalimitahan din lamang sa anim na puntos sa 1-of-6 shooting at sumablay sa dalawang tres.

Read more...