MAHIRAP talaga ang posisyon ng mga artista. Gumawa man sila ng kabutihan na walang kuwestiyon namang galing sa puso ay marami pa ring nasasabi laban sa kanila ang mga taong walang nakikitang maganda sa kanilang kapwa.
Tulad na lang ni Angel Locsin na inirisko na nga ang kanyang buhay para lang makadalaw-makatulong sa ating mga kapwa Pilipinong naging biktima ng giyera sa Marawi.
Hindi niya naman ipinagmakaingay ‘yun, nakisabay lang siya sa tropa ng DSWD na mamamahagi ng tulong sa mga taga-Lanao del Norte, hindi rin siya ang naglabas ng mga retrato at video tungkol sa kanyang pagdalaw sa mga Muslim.
Pero ano ang napala ng aktres? May mga nagpatutsada pa sa kanya na ang pagtulong daw ay hindi ipinagmamakaingay, ginagawa na lang daw ‘yun nang tahimik, nakakaawa naman si Angel na tinanggap na nga ang hamon na delikado ang kanyang gagawin pero sinunod pa rin niya ang dikta ng kanyang puso.
Kahit kailan ay hindi maituturing na krimen ang pagtulong, pinapalakpakan ang magagandang gawain, at hindi lang naman ngayon ganyan kabukas ang palad ng dalaga sa pamamahagi ng ayuda sa mga tunay na nangangailangan.
Sa dinami-dami ng mga artistang meron tayo ngayon ay hindi pa ba naman mapupuri ang tapang na ipinamalas ni Angel?
Siya lang naman ang nagkaisip na personal na damayan ang mga kababayan natin sa Mindanao, kulang pa ba ang kagandahan ng puso na ipinakita niya, kailangan pa bang magbuwis ng buhay si Angel Locsin para pahalagahan ang mabuti niyang puso?
Ang mga pumupuna-umuupak sa kanya, may nagawa naman kaya itong makabubuti sa buhay ng mga kababayan nating nasukol sa giyera sa Marawi, nakapag-ambag man lang kaya sila kahit paano?