MATINDING depresyon at pagka-shock ang naramdaman ni Cristine Reyes nang matalo sa celebrity talent competition na I Can Do That sa ABS-CBN.
Aminado ang Kapamilya actress na hindi naging madali ang pagtanggap sa kanyang pagkatalo dahil talagang nag-expect siya na magiging Greatest Entertainer sa ICDT na pinagwagian nga ni Wacky Kiray.
Si Cristine ang pumangalawa sa contest habang sina Daniel Matsunaga at Gab Valenciano ang ikatlo at ikaapat na pwesto. Aniya, talagang nasaktan siya nang matalo ni Wacky Kiray.
“Noong in-announce ‘yung pangalan ni Wacky, siyempre na-hurt ako kung bakit hindi ako. Nasa state of shock ako, tapos ang ingay na sa studio. I was there left behind, alone with my thoughts na why? I was really shocked. Ang sakit,” diretsong sabi ni Cristine sa isang panayam.
Dugtong pa ng aktres, “Pagkatapos ng contest, lumabas kaming lahat. Nag-treat ako ng party para sa mga tao kasama rin ‘yung ibang mga candidates. Siyempre kailangan ko humarap na maayos pa rin. Pero after, umuwi ako sa bahay tapos bagsak talaga ako. Nagkulong ako sa kuwarto ko.”
At dahil wala rin ang asawang si Ali Khatibi sa Pilipinas nang araw na yun, mas lalo pa siyang na-depress dahil wala siyang mapaglabasan ng kanyang nararamdaman. Pauwi pa lang daw ito mula sa US.
“Nag-video na lang ako, I was crying. Binuhos ko lahat sa video ‘yung sama ng loob ko, ‘yung sakit, tapos pinadala ko na lang kay Ali,” ani Cristine.
Kung may natutunan si Cristine mula sa pagsali sa I Can Do That, ito ay, “It humbled me. Sometimes, you cannot always get what you want even though you worked hard for it, even though you put all your heart for it.
“Hindi lahat ng tao, mabibigay kung ano ‘yung gusto nilang kunin. Natutunan ko dito siguro ‘yung lakas ng loob na tanggapin ‘yung pagkatalo ko,” aniya pa.
Sa kabila ng lahat, nagpapasalamat pa rin si Cristine sa Diyos dahil walang masamang nangyari sa kanya habang tumatakbo I Can Do That kahit pa puro buwis-buhay ang mga pinaggagawa niya sa programa.
“Sabi nga nila, kung hindi naibigay sa iyo ito, may ibang bagay na maibibigay sa ‘yo. Nandoon ako sa point na siguro nga may binibigay sa akin si God na hindi ko pinapansin all along. Actually, minulat ako ni God na oo nga mayroon, hindi ko lang pinapansin. May dumating naman pagkatapos,” aniya pa.