US special forces papapel na sa Marawi

NITONG nakaraang linggo, lumipad ang US surveillance aircraft P3-ORION  sa Marawi City.  Inamin ng AFP na tumutulong na ang US special forces sa ating mga sundalong lumalaban sa Maute-ISIS doon.
Ipinahayag din ng US embassy at Pentagon na ang paglahok nila ay batay sa “request” ng Philippine government.  Wala namang ibinigay na “specifics” sa suporta dahil sa security reasons.
Ayon sa AFP, ang mga sundalong Kano ang nagbibigay ng technical assistance  lamang at hindi direktang sumasagupa.
                Ayon sa Pentagon, ang US Special forces nila ay palagi raw nasa bilang na 50 hanggang 100 tropa  anumang oras . Niliwanag pa ng US na suportado nito ang counter-terrorism efforts ni Duterte.
At ang nangyayari sa Marawi ay “shared threats” ng Pilipinas at Amerika kayat ang kasalukuyang RP-US Mutual Defense Treaty ang kikilos lalo pa’t  terorismo at “imported ideology” ang kalaban.
                Tanong tuloy ng marami, paano na ang sinasabi ni Duterte na palalayasin niya ang lahat ng mga Amerikanong sundalo sa Pilipinas?  At hinding-hindi siya hihingi ng tulong dito? Kunsabagay, ito’y noon  at ilang beses na silang nag-usap ni US President Donald Trump at hindi ako magtataka kung mag-uusap silang muli tungkol sa Marawi.
                Kung susuriin,  maski ano pa ang patutsada ng pangulo laban sa  Amerika, kailangang makialam  sila sa Marawi.  Paano kung matapos ang problema at nalutas ito ng mga sundalong Pilipino nang walang Kano?
Kaya nga, double blade ang sitwasyon. Tutulong dahil baka mawalan lalo ng papel. Hindi papayag ang mga Kano na maetsapwera sa labanan sa Mindanao. Bukod dito, yan din ang pressure sa kanila ng mga bansang Singapore, Indonesia, Malaysia lalo na ang kalapit na Australia.
                Dapat na dapat lang, dahil ang September 911 bombings ay nilikha ng ilang “terror cells” ng Al Qaeda dito mismo  sa  Pilipinas. Pwedeng maulit ito lalo pa’t terorismo ang  kalaban. Hindi papayag si Uncle Sam na magkaroon ng “caliphate” o base ang mga ISIS sa Pilipinas dahil ito’y direct threat din sa buong Amerika.
                Sa ganang akin, ang bagong liderato nina Trump at Duterte ay magiging bagong yugto ng relasyon ng dalawa lalo pa’t iisa ang kalaban – ISIS terrorists. Hindi na pwede yung tinatakaw lang tayo ng “modernong technology” ng mga Kano. Ipapagamit ang  mga baril, tangke at iba pang equipment sa Balikatan, tapos hindi naman ibinibigay sa AFP.
Ako’y nagulat nito lamang  Hunyo 5, nagbigay ang US sa Philippine Marines ng  300 “M4 carbines”,  apat na “Gatling style machine guns”, 100 “M203 grenade launchers” at 25 “Combat Raiding craft” nang walang bayad.
Ngayon lang nangyari ito sa matagal na panahon. At dahil kailangan ng “training” sa paggamit ng mga bagong armas, siyempre “trainers”  ang mga sundalong Kano. Talagang atat  na atat si Uncle Sam na magkaroon ng papel  sa Marawi.
                Sa akin , ibigay na sana ng Amerika sa AFP ng walang bayad din ang makabagong predator o reaper drone system, kumpleto na may  UAV aircraft, ground control station at satellite link. O pwede namang “joint use” ng AFP at US dahil ang mga drones na ito ang magsisilbing “eye on the sky” para makita  at mapatay ang mga “terorista’ kahit saan sila magtago.
                Kung talagang sinsero ang Kano, ibibigay nila ito  at tingin ko hinding-hindi sila palalampasin ni Duterte.

Read more...