Carla nagsilbing ‘gamot’ ni Tom habang nagluluksa ang pamilya


DAHIL sa sandamakmak na request mula sa kanilang mga tagasuporta, muling pagtatambalin ng GMA 7 ang real life couple na sina Carla Abellana at Tom Rodriguez.

Simula sa June 26, mapapanood na ang reunion project ng tambalang TomCar, ang romantic-comedy series na I Heart Davao. Ito’y matapos nga ang special participation nila sa fantaseryeng Mulawin vs Ravena bilang mag-asawa na sina Rodrigo at Aviona.

Huling nagtambal sina Carla at Tom sa seryeng My Destiny dalawang taon na ang nakararaan. Sa nakaraang presscon ng I Heart Davao, sinabi ni Carla na bagong challenge na naman ito para sa kanila ni Tom.

“Para din talaga sa kanila dahil matagal na rin silang naghihintay at nagre-request ng reunion project. Sa wakas mapapanood na ulit nila ang TomCar after two years. This is lighter than My Destiny kaya mas magaan lang panoorin,” pahayag ni Carla.

Dagdag naman ni Tom, bukod sa napakagandang kuwento ng pag-iibigan at pagkakaibigan, kailangan din daw abangan ng manonood ang iba’t ibang tourist spots sa Davao kung saan kinunan ang halos kabuuan ng serye kabilang na nga riyan ang Matina, Roxas Avenue at Malagos Garden Resort. Kaya naman siguradong matutuwa rito si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Unang-una, maganda siya kasi cinematic ‘yung treatment. Ang ganda! Para kayong nanonood ng pelikula,” hirit ni Carla.

Gagampanan ni Carla sa I Heart Davao ang karakter ni Hope, isang babaeng lumaki na may congenital heart disease na mapapalaban sa pagsagip sa chocolate business ng kanilang pamilya.

Dito niya makikilala si Ponce (Tom) na magiging mahalagang bahagi ng kanyang buhay. Magiging mala-aso’t pusa ang kanilang pagassama dahil sa pagmamatigas ni Ponce na ipagbili sa pamilya ni Hope ang kanilang cacao farm.

Sa pagpapatuloy ng kuwento, makakatanggap ng heart transplant si Hope ngunit biglang mababago ang takbo ng kanyang buhay kapag nadiskubre niya kung sino ang tunay na donor ng kanyang puso.

Aminado si Carla na matindi rin ang pressure na nararamdaman nila sa nalalapit na pagsisimula ng kanilang serye, “But we definitely assure the viewers na this soap is just as fun, just as light, and just as nakakakilig. Mas iniisip namin ang fun kaysa pressure. Mas makulit kami ni Tom dito.”

Mapapanood na ang I Heart Davao sa darating na June 26 sa GMA Telebabad. Makakasama rin dito si Benjamin Alves bilang third party sa TomCar loveteam, Betong Sumaya, Mae Bautista Ricardo Cepeda, Glenda Garcia, Philip Lazaro at marami pang iba. Ito’y sa direksyon ni Chris Martinez with Lee Briones-Meily bilang director of photography.

Samantala, nagpasalamat din si Tom kay Carla dahil napakalaki raw ng nagawa nito para mas maging matatag matapos pumanaw ang kanyang amang si William Albert Mott Sr., noong Marso.

“I’m happy na in moments when I’m not okay, I have people to lean on. I have Carla there and my family,” ani Tom.

Read more...