Patafa pagpapaliwanagin sa Kongreso sa kaso ni Tabal

IPAPATAWAG ng Kongreso ang pamunuan ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) upang pagpaliwanagin sa sitwasyon ng marathoner na si Mary Joy Tabal matapos isampa Huwebes ng gabi ang House Resolution No. 1073.

Isinumite mismo ni House Deputy Speaker Gwen Garcia ang nasabing resolusyon na asam alamin ang katotohanan sa hindi pagkakasama ng Cebuana marathoner at Olympian na si Tabal sa nalalapit na 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Nakasaad naman sa dalawang pahinang resolusyon ang “directing the committee on youth and sports development to conduct an investigation, in aid of legislation, on the arbitrary exclusion of Mary Joy Tabal Philippine Marathoner, as well as others who may be similarly situated, from the Philippine delegation to the 29th Southeast Asian Games in Kuala Lumpur.”

Una nang isinara ng Patafa ang pintuan nito sa tanging babaeng Pilipinong marathoner na nakasali sa Olimpiada na si Tabal dahil sa hindi ito miyembro o kabilang sa kasalukuyang listahan ng mga aktibong pambansang atleta.

Inihayag mismo sa isang press conference noong Lunes ni Patafa president Philip Ella “Popoy” Juico na hindi nito gusto si Tabal dahil hindi ito sumusunod sa kautusan ng asosasyon at pagsisimulan lamang ng pagkakahati sa pambansang koponan at kawalan ng respeto sa mga namumuno.

Nakasaad naman sa inihaing resolusyon ang posibilidad na makahanap ng posibleng solusyon sa isyu gayundin sa posibilidad na makasali ang tinanghal na apat na beses na marathon champion at kasalukuyang national record holder na si Tabal sa 29th SEA Games sa Agosto 19-30.

Kababalik lamang ni Tabal mula Canada kung saan naitala nito ang hindi pa rin kinukunsidera na bagong national record na 1:16:27 oras sa distansiyang 21 kilometro kung saan tumapos ito na pangkalahatang ikapitong puwesto at kampeon sa mga kasaling kababaihan sa Scotia Bank Ottawa Half Marathon.

Gayunman, agad itong nadismaya sa kanyang pagnanais na makabalik sa national track and field team matapos na ihayag ng Patafa na hindi siya kasama sa listahan ng mga ipapadalang atleta sa kada dalawang taong torneo.

“I’m still hoping they can accept me to represent the country for the SEA Games,” sabi lamang ng 27-anyos na si Tabal sa isinagawa naman na press conference sa Cebu.

Inihayag naman ng Patafa na wala sa isinumite nitong pinal na listahan o “entry by names” na isusumite sa Malaysia SEA Games Organizing Committee (MASOC) si Tabal bagaman hanggang sa Hunyo 15 pa ang huling pagsusumite ng kumpirmadong ilalahok ng bansa sa multi-sports na torneo.

Read more...