Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5 p.m. San Miguel Beer vs Star (Game 1, best-of-five semifinals)
WALANG pagbibigayan na magaganap sa pagitan ng sister teams na San Miguel Beermen at Star Hotshots na kapwa asam mahablot ang importanteng unang panalo sa kanilang 2017 PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinals series ngayon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Ganap na alas-5 ng hapon sisimulan ang salpukan ng Beermen at Hotshots.
Agad pinatalsik ng San Miguel Beer ang nakaharap sa quarterfinals na Phoenix Fuel Masters, 115-96, upang agad tumapak sa semis habang winalis naman ng Star ang nagtatanggol na kampeon na Rain or Shine Elasto Painters, 118-82 at 84-69, para okupahan ang isa sa apat na puwesto sa semifinals.
Kahit ang dalawang import na sina Charles Rhodes at Ricardo Ratliffe ay bubuhayin ang kanilang pagiging matagal na magkaribal sa loob ng court sa pagtatapat ng San Miguel Beer at Star.
Ang dalawang import ay una nang nagkatapat bilang mga regular na import sa Korean Basketball League kung saan si Rhodes ay naglaro para sa Ulsan Mobis Phoebus na una naman nakapaglaro si Ratliffe bago ito lumipat sa Seoul Samsung Thunders.
Lalong magpapahigpit sa labanan ng dalawang import ang sitwasyon ni Ratliffe na siyang nangunguna bilang Best Import kahit tatlong beses lamang naglaro sa eliminasyon. Nasa ikapito naman si Rhodes na hindi naman kailangan na magtala ng maraming numero dahil sa malalakas nitong kasamahan sa Beermen.