AALIS muna ako sa lansangan at aakyat sa elevated trains natin, tutal bahagi pa rin naman ito ng transportation sa Kalakhang Maynila.
Napag-alaman ko kasi sa isang report ni Partylist Rep. Jericho Nograles na nagbayad ang pamunuan ng MRT 3 ng umaabot sa kagila-gilalas na P80 milyon sa Busan Universal Rail Inc. o BURI para sa carwash ng mga bagon ng MRT 3.
Ayon kay Nograles, araw-araw ay nagbabayad ang MRT 3 ng P74,000 o P2.22 milyon kada buwan para hugasan ang mga Light Rail Vehicles o LRV ng train system natin sa EDSA.
Isa lamang ito sa mga naglalabasang anomalya sa loob ng BURI na siyang responsable sa maintenance at service ng MRT 3.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin seamless o walang patid ang serbisyo ng MRT at madalas pa rin itong humihinto halos araw-araw.
Noong una, ang sinasabi ni dating Transportation Secretary Jun Abaya, wala naman daw pinagkaiba ang service performance ng BURI sa ibang naging maintenance provider ng MRT tulad ng Sumitomo.
Pareho rin naman daw na humihinto at nagkaka-aberya ang MRT noon pa man.
Of course, ang hindi sinabi ni Abaya, nagbabayad ang dating provider sa bawat paghinto ng mga tren ng MRT sa nawalang kita dahil sa aberya. Wala sa BURI ang ganitong probisyon sa kontrata.
Hindi rin sinasabi nila Abaya na di hamak na mabilis ang pagkumpuni ng nakaraang mga providers kaya hindi ito nararamdaman ng mga pasahero ng MRT. Sa BURI, basta nasira, hintay na lang lahat ng pasahero.
Ngayon, matutuklasan natin na pati carwash ng LRV ay sagot ng pamahalaan, sa pamamagitan ng MRT 3, at pati tubig na panghugas ng bagon ay taumbayan ang nagbabayad.
Puwede naman na hindi preskong tubig galing sa gripo ang gamitin. Puwede naman na inipong tubig ulan, o kahit discounted yun presyo galing sa water service provider.
Pero P80 milyon para sa carwash? E, sa kasalukuyang halaga ng carwash ngayon, mahigit sa 500 kotse na ang malilinis araw-araw. Saan ba nila pinapa-carwash ang mga bagon ng MRT 3? Sa Timog o sa Evangelista?
Para sa komento o reaksyon sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.