Sharon napahagulgol nang marinig ang pinasikat na ‘Pangarap Na Bituin’

SHARON CUNETA

MASAKIT ang pag-iyak ni Megastar Sharon Cuneta nang maging guest siya kahapon sa anniversary episode ng Magandang Buhay.

Naging emosyonal na naman si Shawie sa pagkukuwento tungkol sa pagkamatay ng award-winning composer na si Willy Cruz. Pagkatapos kantahin ng kanyang anak-anakan na si Antonetthe Tismo (The Voice Kids finalist) ang “Pangarap Na Bituin” na isinulat ni Willy ay hindi niya napigilan ang mapahagulgol.

“Hindi ko pa makanta ang mga kantang gawa ni Willy Cruz, hindi ko pa kaya. Malaki kasi ang utang na loob ko sa kanya. ‘Pangarap Na Bituin,’ yan ang theme song, ‘Bituing Walang Ningning,’ ‘Sana’y Wala

Nang Wakas.’ Parang kapag naririnig nila ‘yung intro ‘Uy si Sharon ‘yan.’ Di nila nababanggit na kalahati noon si Willy.

“Hindi ko pa nagawa ‘yung tribute album ko sa kanya, nawala na siya. Siya ‘yung kahit ‘di kami nagkikita, kinakamusta niya ako. Napaka-humble talaga ni Willy. Noong nawala si Willy, hanggang Amerika ay nagluluksa ako,” kuwento ni Mega.

Hindi raw talaga inaasahan ni Sharon na mamamatay agad si Willy Cruz (last April 16 lang), “You never imagine na mawawala ang mahal mong kaibigan, hindi mo iniisip ‘yon. I realized na when he passed away na he’s 70 and I’m 51. Parang ang bilis ng panahon, ang ikli pala ng buhay.”

“Naabutan ko he was in the morgue. Basta sa lahat nang nawala sa life ko ang pinuntahan ko lang sa morgue ay si FPJ at siya. Tapos ako lang ang nandoon, wala siyang kasama. It was so empty and he was alone.

“Tapos wala akong magawa kung hindi halikan siya at magpasalamat. Saka mabuting tao ‘yon at matindi ang faith noon kay Lord so alam ko na nasa heaven siya. I hope that he’s proud of me. Willy wherever you are I love you so much. Maraming, maraming salamat,” sey pa ni Mega.

Pahabol pa niya sa pagdalaw sa anniversary special ng Magandang Buhay, “What I really wish I could do, sana makagawa ako ng tribute album at concert for Willy kasi ako naman ang baby niya.”

Read more...