Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Rain or Shine vs Star Hotshots
7 p.m. Meralco vs TNT KaTropa
TINAMBAKAN ng San Miguel Beer ang Phoenix, 115-96, at binigo ng Barangay Ginebra ang GlobalPort, 96-85, para umusad ang Beermen at Gin Kings sa semifinal round ng 2017 PBA Commissioner’s Cup.
Pinagbidahan ni Marcio Lassiter ang maagang pagratsada ng Beermen na lumamang ng 28 puntos, 51-23, sa first half.
Tumira ang Fil-Am sharpshooter ng 5-of-10 mula sa 3-point area at kumuha rin ng apat na rebounds at tatlong assists.
Sa pangunguna ng import nitong si Jameel McKay ay sinubukan ng Phoenix na makahabol sa third quarter kung saan naitapyas nito sa 14 ang kalamangan ng Beermen, 88-74, may 10:55 na lang ang natitira sa laban.
Pero sinagot ito ni Alex Cabagnot na umiskor ng siyam na puntos sa huling quarter ng laro.
Nagtapos si Cabagnot, ang nangunguna para sa Best Player of the Conference award, na may 20 puntos, walong rebounds at anim na assists para sa Beermen na umusad sa ikaanim nitong diretsong semifinal appearance.
“We’re so happy with this win because we were able to meet the expectations of so many people and our management. They expected us to be in the semifinals and I have to commend all the players because they know what’s at stake in this game and they really wanted to make it to the semifinals right away,” sabi ni SMB coach Leo Austria.
Ang import ng Beermen na si Charles Rhodes ay nag-ambag ng 14 points, 11 rebounds, at apat na blocks, habang ang three-time PBA MVP na si June Mar Fajardo ay may 15 puntos, walong rebounds at dalawang blocks sa 35 minutong paglalaro.
Muntik ding makapagtala ng triple-double si Chris Ross sa nakolektang 11 puntos, 10 assists, at pitong boards para sa Beermen.
Si McKay ay may 20 points, 13 rebounds at tatlong assists para sa Fuel Masters.
Samantala, pilit na sisikwatin ngayon ng Star Hotshots at TNT KaTropa ang silya sa semifinals sa Game 2 ng kanilang best-of-3 quarterfinal series.
Tinambakan ng Star ang Rain or Shine, 118-82, habang niratsada naman ng TNT ang Meralco, 102-84, sa series opener noong Lunes.
Makakasagupa ng San Miguel sa best-of-5 semis ang mananalo sa Star-Rain or Shine series habang makakatapat naman ng Ginebra ang magwawagi sa pagitan ng TNT at Meralco. —Angelito Oredo