MARAMING napakamot na mga mananaya ng lotto nang mabalitaan na bubuwisan na ang papremyo.
Sabi ng mga mananaya, bakit daw kailangan pang buwisan ang premyo sa lotto ay nakikinabang na rito ang gobyerno.
Sa bawat P1 na itinataya sa lotto napupunta ang 55 sentimos sa Prize Fund na ipinambabayad sa mga nanalo, 30 sentimos sa Charity Fund at ang nalalabi sa gastos sa operasyon nito.
Ang 30 sentimos ang pondo na ginagamit ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagtulong sa mga mahihirap na walang pambayad sa ospital. Yung iba ipinambibili ng mga pangangailangan ng ospital gaya ng ambulansya.
Malaki raw ang 20 porsyentong ipapatong na buwis. Kung nanalo ka ng P1 milyon ang maiuuwi mo na lang ay P800,000.
Buti umano sana kung hindi na papatawan ng buwis kapag ginastos mo yung P800,000 na natira.
Kung binawasan mo ‘yung P800,000 at bumili ka ng sasakyan, magbabayad ka na naman ang buwis.
Kung gagamitin mo ang pera na pambayad ng gasolina o kuryente, may patong ito ulit na tax.
Kaya doble-doble raw ang buwis. Binuwisan na nung kinuha mo, bubuwisan pa kapag ginastos mo.
Pero anong magagawa ng isang mananaya na kumakapit sa swerte ng lotto para makaahon sa kahirapan, gaya ng dati magtiis na lang.
***
Makikinabang ang maraming empleyado sa panukala na itaas huwag ng buwisan ang kumikita ng P250,000 kada taon at ginawa ring P100,000 ang bonus exemption ng mga ito.
Wala nang buwis ‘yung sumusuweldo ng P20,000 kada buwan.
Yehey!
Pero umaangal naman ang mga hindi makikinabang sa bawas personal income tax.
Hindi naman daw kasi makikinabang yung mga walang trabaho pero kasama sila sa babalikat sa pagtataas ng buwis sa mga produkto gaya ng diesel.
Halimbawa raw si mamang tsuper. Ang kanyang kinita sa maghapong pamamasada ay naiuuwi na niya sa kanyang pamilya o mga pamilya— labas ang boundary. Ang binabayaran niya sa maghapon ay ang VAT na ipinapataw sa ikinakargang diesel sa kanyang jeepney.
Kung papatawan na ng P6 ang excise tax ang kada litro ng diesel ay mababawasan ang maiuuwi niyang pera.
Buti daw sana kung walang trapik, makakapamasada siya ng mas maraming beses.
***
Sa kahabaan ng IBP Rd., sa Brgy. Batasan Hills, sa labas ng Batasan Complex kung nasaan ang Kamara de Representantes ay mayroong dalawang stop light.
Ang mga stoplight na ito ay tila hindi nakikita ng mga tricycle driver. Kahit na nakapula ang ilaw ay tumatawid sila sa intersection na naglalagay sa panganib sa kanilang mga pasahero.
Buti sana kung may pera silang pampagamot o pampalibing kapag nabangga sila ng mga dumaraang sasakyan kasama na ang mga naglalakihang trak.
Kung huhulihin sila ay tiyak na magtatanda. Sino ba naman ang driver na gustong magbayad ng tiket araw-araw. Maliit na nga ang kanilang kita dahil sa dami ng tricycle na pumapasada ay magmumulta pa.
Pero bakit nga ba hindi sila hinuhuli?
Bukod dito ay nadami ring mga nakamotorsiklo na walang helmet. Siguro naman alam ng mga traffic enforcer na violation din ito. O baka naman hindi nila napapansin?