DINAKIP ng mga pulis at militar ang ama nina Abdullah at Omar Maute, ang mga lider ng teroristang grupo na nakikipagbakbakan sa mga tropa ng gobyerno sa Marawi City simula pa noong Mayo 23.
Kinilala ang nadakip na si Cayamora Maute, na naaktuhan ng Task Force Davao sa isang checkpoint sa Sirawan, Toril District.
Sakay si Maute ng Toyota Grandia van, kasama ang kanyang misis na si Farhana, nang huminto sa isang checkpoint, ayon kay Lt. Col. Nestor Mondia, detachment commander ng Task Force Davao.
Idinagdag ni Mondia na nakasuot si Cayamora ng surgical mask at papunta sa Davao City mula sa Cotabato City para umano magpagamot ng ubo.
Bago ito ay nadiskubre ng otoridad ang aabot sa P75 milyong halaga ng cash at tseke sa pugad ng nasabing terror group.
Nagbabahay-bahay ang mga tropa ng Marine bilang bahagi ng clearing operation nang matagpuan mga cash at tseke sa Brgy. Saduc Proper noong Lunes, ayon sa Task Force Marawi ng Armed Forces.
Idinagdag ng task force na tinatayang aabot sa P52. 2 milyon ang cash na narekober at P23.77 milyon naman ang kabuuang halaga ng tseke.
Nakakumpiska rin ang mga miyembro ng 37th Marine Company ang isang M16 rifle sa bahay matapos na mapatay ang isang sniper na tumatarget sa Army Scout Rangers.
“This is now the subject of a thorough investigation. Let us wait for the results,” ani AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla.
Pinuri ni Brig. Gen. Joselito Rolando Bautista, Task Force Marawi commander, ang mga tropa ng gobyerno.
“This is a proof that our soldiers do not engage in looting and the AFP will not tolerate such,” sabi ni Bautista.
Ama ng Maute brothers timbog
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...