Hinihiling ng mga otoridad ng Zamboanga Peninsula sa publiko na tumulong sa pagberipika sa impormasyon tungkol sa mga sasakyang may dala diumanong improvised na bomba.
Ito ang mensahe ni Chief Supt. Billy Beltran, direktor ng Zamboanga Peninsula regional police, matapos kumalat sa social media ang isang “watchlist” ng mga sasakyan, na diumano’y inisyu ng isang unit ng PNP Maritime Group sa rehiyon.
“Ang sabi ng RD (regional director) namin, ‘yung nag-circulate sa social media na vehicles na allegedly magdadala ng IED, pagtulungan na lang natin na ma-verify ‘yang mga sasakyan na ‘yan. Sa public, kung makita nila, agad ipagbigay-alam sa nearest PNP or AFP unit,” ani Chief Insp. Helen Galvez, tagapagsalita ng regional police.
Ayon sa watchlist na may petsang Hunyo 2, maaaring dumaan sa RORO at port terminals ang pitong sasakyan, na pinaniniwalaang may dalang IED.
Ang pito’y kinabibilangan ng isang Toyota Hilux pickup (TO-4823), Nissan Sentra sedan (UER-452), Toyota Land Cruiser (VIM-889), Honda Civic (KDY-462), Toyota Vios (ZBM-340), Isuzu D’max (PIJ-139), at isang Toyota Innova (ZDT-395).
Ang watchlist ay inisyu umano ng 904th Maritime Police Station na nakabase sa Dapitan City, Zamboanga del Norte.
Ang watchlist ay nakabase diumano sa ulat ng isang military intelligence unit sa Eastern Mindanao, at ipinadala umano sa mga operator ng shipping lines.
Ayon kay Galvez, di maaaring magsalita ang Zamboanga Peninsula regional police para sa unit na nag-isyu diumano ng watchlist at di rin maaring magkomento tungkol sa listahan.
Ang naturang police unit kasi, bagamat nakabase sa loob ng rehiyon, ay nasa ilalim ng pamamahala ng Maritime Group na isang national support unit ng PNP, aniya.
Pero ayon sa isang security source, mayroon ngang ginawa na ganoong watchlist ang naturang PNP unit para sa shipping operators, bagamat bineberipika pa ang mga nilalaman nito.
May isinasagawa nang imbestigasyon para malaman kung paano nakarating sa social media ang listahan, ayon sa source.
Lumalabas lang sa ngayon na isang sibilyan, na di pa matiyak ang pangalan, ang nagpaskil ng watchlist sa Facebook.
“Inaalam ngayon kung paano niya nakuha at anong motive niya sa pag-post,” anang source.
MOST READ
LATEST STORIES