Pasaway na aktor nilayasan ang manager

MASAMA  pala ang loob ng dating manager na nakadiskubre sa isang aktor dahil iniwan na siya nito, tapos na raw kasi ang kontrata nila.

Nu’ng una ay dedma kami dahil hindi naman kami close sa dalawa (manager at aktor) pero nu’ng malaman namin ang dahilan ay bigla kaming naawa sa manager dahil halos buong buhay niya ay inialay niya sa alaga simula noong nadiskubre niya.

Maski raw co-manage na ng manager ng aktor ang network na kinabibilangan nito ay hindi pa rin niya ito pinababayaan at sa katunayan ay hinahanapan pa rin niya ng raket kasi nga maraming obligasyon sa pamilya ang alaga bukod pa sa nagpagawa ng bahay para rin sa mahal sa buhay.

Medyo matigas daw ang ulo ng aktor, ayon sa taong nakausap namin na malapit sa dalawa dahil mahilig sa gimik at babaero bagay na madalas nilang pagtalunan ng manager niya kasi nga pinag-iingat siya dahil kilala na rin siya maski paano kaya iniingatan lang ang kanyang imahe.

At dahil nagtatalo ang dalawa ay hindi na nagbibigay ng komisyon ang aktor sa manager niya hanggang sa lumala na ang kanilang hindi pagkakaunawaan.

Nang matapos na nga ang kontrata ni aktor sa manager niya humanap na agad ito ng ibang magma-manage sa kanya.

Good thing hindi natuloy ang aktor sa unang kinausap niyang talent agency dahil pag nagkataon sakit din ng ulo ang aabutin sa kanya, e, mahigpit pa naman ang namamahala rito.

Kaya sa ibang management na lang siya napunta at sabi nga ng mga taong nakakakilala sa aktor, “Sana sumikat na siya, sana matuto na siyang umarte ng malalim, sana hindi na siya mag-deny sa mga isyu sa kanya.

“Sana hindi na siya mang-iwan sa ere, sana hindi lang puro ngiti ang alam niyang isagot at sana mag-aral siya para may lalim na siyang sumagot.”

Susme, puro “sana” ang narinig namin, ha! Pero sa totoo lang, sana nga magkaroon na ng lalim ang aktor kapag sumasagot sa interview.

Read more...