Fighters jets ginamit na sa Marawi; ground forces lampas 4,500 na

Gumagamit na ng fighter jets ang mga puwersa ng gobyerno sa pagsasagawa ng air strike laban sa mga terorista na may kaunagayan umano sa ISIS at patuloy pang lumalaban sa Marawi City, ayon sa militar Lunes.
Bukod dito, napag-alaman na mayroon nang mahigit 4,500 tropa ng pamahalaan — o sindami ng isang Army division — ang nakakalat sa loob at palibot ng lungsod para sagupain ang mga kasapi ng Maute group.
Napag-alaman ang paggamit ng fighter jets at pagdami pa ng ground forces matapos sabihin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na tila dumami pa ang ang natitirang kasapi ng Maute group sa Marawi.
Kinumpirma ni Brig. Gen. Restituto Padilla, Armed Forces spokesman, ang paggamit ng FA-50 fighter jets halos isang linggo matapos itigil ng militar ang paggamit ng SF-260 attack planes.
Maaring gumamit ang FA-50 units ng machine gun, rocket, at bomba, ani Padilla nang tanungin kong anong ginagamit ng mga jet sa Marawi.
“From the smallest, the least powerful, to the most powerful kaya niya,” aniya.
Dati’y gumamit ang militar ng AW-109 helicopters, OV-10 bombers, at SF-260 planes para magsagawa ng air strike sa mga lugar na okupado ng mga kasapi ng Maute group at kanilang mga kasabwat.
Pero itinigil ng militar ang paggamit sa mga SF-260 Miyerkules, matapos na aksidenteng mapatakan ng bomba ng isa sa mga ganoong eroplano ang ilang ground troops. Sampung kawal ang nasawi sa insidente.
Samantala, napag-alaman na umabot na sa mahigit 4,500 ang bilang ng ground forces sa Marawi, Lunes.
Ang naturang bilang ay binubuo ng mahigit 3,700 sundalo at mahigit 800 pulis, ayon sa mga ulat na nakalap ng Bandera.
Una dito, inihayag ni Lorenzana na maaaring may 200 hanggang 250 kasapi pa ng Maute group ang lumalaban sa mga tropa ng pamahalaan sa Marawi.
Ang mga naturang bilang ay mahigit doble ng unang tantya ni Lorenzana na 50 hanggang 100 natitirang mandirigma, noong Hunyo 1.
Nagpatuloy sa ika-14 araw ang bakbakan sa Marawi, at nakatuon pa rin ang pansin ng mga tropa ng pamahalaan sa pagsupil sa mga kasapi ng Maute group, pagsagip sa mga naipit na residente, pagrekober sa mga nasawing sibilyan, at pagtulong sa relief operations, ani Padilla.

Read more...