PANAHON na naman ng tag-ulan at isa sa mga binabantayang sakit sa panahong ito ay ang sakit na hatid ng lamok. At isa sa pinakamapanganib na sakit na dala ng lamok ay ang Dengue Fever. Nitong 2016, base sa report ng World Health Organization (WHO) ay napaulat na ang Pilipinas ay nagkaroon ng 176,411 hinihinalang kaso ng dengue kung saan 422 dito ang namatay.
Ayon naman sa ulat ng Department of Health nitong nakaraang Abril mayroong 26,433 hinihinalang kaso ng dengue simula nitong taon. Kumpara sa 41,170 kaso sa pareho ring panahon noong 2016, mas mababa naman ito ng 35.8 porsiyento.
Pero hindi naman ito nangangahulugan na magiging kampante na tayo dahil mapanganib na sakit pa rin ang dengue.
Narito ang ilang impormasyon tungkol sa dengue fever na dapat mong malaman.
ANO ANG DENGUE FEVER?
Ang dengue fever ay isang sakit na sanhi ng virus na dala ng lamok at mabilis na rin ang pagkalat nito sa mga nakalipas na mga taon. Ang dengue virus ay hatid ng mga babaeng lamok mula sa uring Aedes aegypti at Aedes albopictus. Ang mga nasabing lamok ay siya ring naghahatid ng chikungunya, yellow fever, West Nile infection at Zika infection. Ang dengue ay laganap sa mga tropikong bansa kung saan ang iba’t ibang anyo nito ay apektado ng pag-ulan, tempe-ratura at walang plano at mabilis na urbanisasyon.
Ang severe dengue (o mas kilala bilang dengue hemorrhagic fever) ay una naman nakilala noong dekada 50 kung saan nagkaroon ng epidemya ng dengue sa Pilipinas at Thailand. Sa ngayon, ang severe dengue ay nakakapekto sa karamihan ng mga bansa sa Asya at Latin America at ito na rin ang naging pangunahing dahilan ng pagkakaospital at kamatayan ng mga bata at mga matatanda sa nasabing rehiyon.
Ang malumanay na kaso nito ay nagiging sanhi ng pantal at mga sintomas ng trangkaso. Sa ibang tao, lalo na sa mga bata, mas nagiging seryoso ang uri ng sakit na ito na mas kilala sa tawag na dengue hemorrhagic fever at dengue shock syndrome.
Tinatayang umaabot sa 390 milyong dengue infection ang nangyayari sa buong mundo taun-taon at umaabot sa 96 milyon ang resulta ng nasabing sakit. Ang karamihan sa mga kaso nito ay nangyayari sa tropikong lugar sa daigdig.
ANO ANG SANHI NG DENGUE FEVER?
Ang dengue fever ay kumakalat sa pamamagitan ng kagat ng lamok na may dala ng dengue virus. Ang virus ay kumakalat mula sa tao tungo sa ibang tao sa pamamagitan ng pagkakahawa. Ang mga tao na may dengue fever ay kinakailangan naman na protektahan mula sa kagat ng lamok. Kapag ang isang lamok ay naka-kagat ng tao na may dengue ang nahawaan na lamok ay naipapasa naman ito sa ibang tao.
Ang paglaganap nito ay karaniwan naman sa maraming bansa sa Latin America at Southeast Asia. Ang sakit ay nangyayari rin sa Africa, ilang bahagi ng Middle East, sa Western Pacific, Puerto Rico at iba pang tropical at subtropical na lugar. Ang mga biyahero o manlalakbay na bumibisita sa mga nasabing rehiyon ay maaari namang mahawa nito.
ANO ANG MGA SINTOMAS NG DENGUE FEVER?
- Ang mga sintomas ng dengue fever ay maaaring malumanay o matindi. Sa mga malumanay na kaso nito ang ilan sa mga karaniwang sintomas nito ay:
- Biglaang mataas na lagnat na umaabot sa 41°C.
- Sakit ng ulo
- Sakit sa mata
- Sakit sa kasu-kasuan at kalamnan
- Pantal
- Pagkahilo, pagsusuka at kawalan ng ganang kumain.
- Ang lagnat ay tumatagal ng halos isang linggo at pabalik-balik ito.
Matapos ang inisyal na lagnat, ang ilang tao ay nagkakaroon ng mas maraming seryosong sintomas na senyales na ng dengue hemorrhagic fever. Kinabibilangan ito ng:
- Senyales ng pagdurugo tulad ng: namumulang patse na katulad ng mga pasa o kaya maliliit na pulang batik; pagdurugo sa ilong, bibig at gilagid; pagsusuka ng dugo at pagdudumi na sobrang maitim.
- Matinding sakit sa tiyan.
- Senyales ng shock o pagkagimbal.
- Kung mayroon na ng mga nasabing sintomas ng dengue fever, magpatingin na sa doktor o pumunta na agad sa ospital.
DIAGOSIS NG DENGUE FEVER
Tatanungin ka agad ng doktor tungkol sa sintomas. Magpapagawa rin siya ng blood test para makumpirma kung may dengue fever ka na.
PAANO GINAGAMOT ANG DENGUE FEVER?
Wala pa talagang epektibong gamot para gamutin ang dengue fever bagamat may na-develop nang vaccine para malabanan ito.
Ang mga malumanay na kaso nito ay puwedeng gamutin sa bahay kung saan kailangan lamang ng pahinga at pag-inom ng maraming tubig para makaiwas sa dehydration. Maaari kang uminom ng acetaminophen para sa sakit subalit hindi pupuwede ang mga anti-inflammatory medicine tulad ng aspirin, ibuprofen o naproxen. Maaari kasing makadagdag ito sa grabeng pagdurugo. Ang mga tao na may malumanay na kaso ng dengue fever ay gumagaling naman makalipas ang dalawang linggo.
Ang dengue hemorrhagic fever, na mas seryosong anyo ng dengue fever, ay nangangailan ng gamutan sa ospital. Kinakailangan mo na ng intravenous (IV) fluids para gamutin ang dehydration. Baka kailangan mo rin ng blood transfusion para mawala ang nawalang dugo sa iyo. Babantayan ka ring mabuti para sa mga senyales ng pagkagimbal.
PAANO MAIIWASAN ANG DENGUE FEVER?
Bagamat wala pang epektibong vaccine para maiwasan ang dengue fever mayroon namang mga paraan para maprotektahan ang iyong sarili laban dito at narito ang ilan sa kanila:
- Magsuot ng pangprotektang damit tulad ng long pants at long-sleeve shirt.
- Gumamit ng kulambo o mosquito net tuwing matutulog sa gabi.
- Gumamit ng insect repellent at katol upang hindi makalapit ang mga lamok sa inyong paligid.
- Siguraduhin na nakasara ang inyong mga bintana at protektado ang inyong bahay laban sa mga lamok.
- Kung may screen ang inyong mga bintana at pinto mas mabuti ito para makaiwas sa sakit na dala ng lamok.
- Kung maaari iwasang lumabas ng bahay ng maaga (bukang-liwayway o pasikat pa lamang ang araw) at takip-silim o dapit-hapon. Mas aktibo kasi ang mga lamok sa madaling araw hanggang bago sumikat ang araw at sa dapit-hapon hanggang pagdilim.
- Siguraduhin na parating malinis ang inyong paligid para hindi pamugaran o tirahan ng mga lamok.
Makipag-ugnayan at makipagtulungan sa inyong barangay at lokal na pamahalaan kapag may mga kaso at programa ito laban sa dengue