HUMINGI ng paumanhin at lubusang pang-unawa si Rio Olympic Games silver medalist Hidilyn Diaz ukol sa kanyang desisyon na tanggihan ang pagiging flag-bearer ng bansa sa opening ceremonies ng 5th Asian Indoor and Martial Arts Games sa darating na Setyembre 17- 27 sa Ashqabat, Turkmenistan.
“Personal ko pong kakausapin sina Sir Monsour at Raymond,” sabi ni Diaz sa ginanap na paglulunsad ng kanyang inorganisa na Hidilyn Diaz Weightlifting Open Championships katulong ang Philippine Weightlifting Association at MVP Sports Foundation sa Meralco Fitness Center sa Pasig City.
“Ide-decline ko na lang po, although malaking honor tsaka prestige po agad sa ating delegasyon,” sabi ni Diaz. “Kasi po, hindi naging maganda ang performance ko the last time na ako po ang nagbitbit ng flag natin sa parade dahil noong competition time na, nanginginig po ang mga muscle ng braso ko.”
Ayaw ni Diaz na matatandaan na nagsilbing pinakauna at natatanging babae na naging flag-bearer ng bansa noong 2012 London Olympics na maulit ang kanyang pagkadismaya sa kanyang naging kampanya matapos na makabuhat sa snatch ngunit nabigo sa kanyang tatlong attempt sa clean and jerk.
“Sana po, maintindihan nila ang sitwasyon kasi po nakakangalay talaga at hindi mo mararamdaman sa aktuwal na araw iyung epekto ng matagal na oras na pagbitbit sa flag eh. Mararamdaman mo ang epekto isa o dalawang araw matapos ang okasyon,” paliwanag pa ni Diaz.
Siniguro naman ni Diaz ang kanyang paglahok sa torneo sa women’s 52kg kung saan magsisilbi itong preparasyon at paunang exposure para sa kanyang mahabang paghahanda para sa asam na maiuwi ang pinakaunang gintong medalya ng Pilipinas sa susunod na 2020 Tokyo Olympics.