SUNOD-SUNOD ang mga kapalpakan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at mga ahensiyang na nasa ilalim ng pamamahala ni Communications Secretary Martin Andanar.
Ang pinakahuling sablay ng PCOO ay nang i-upload sa official Facebook ng PCOO ang foreign movie na Logan na pinagbibidahan ni Hugh Jackman.
Bagamat ilang sandali lang tumagal sa ere ang movie, nagsori na ang RTVM sa nangyaring kapalpakan.
Idinaan na lamang sa biro ng publiko ang nangyaring kapalpakan at sinabing buti na lamang at hindi bold ang pinapanood at nai-upload.
Bago nito, nabatikos na sa social media ang PCOO matapos naman ang kontrobersiyal na pipitsuging video na kung saan ipinagtatanggol ang pagdedeklara ng martial law sa Mindanao.
Agad namang tinanggal ito ng PCOO matapos ang kritisismong natanggap mula sa mga netizen.
Bukod pa rito, nabatikos din ang litratong inilabas ng Philippine News Agency (PNA) kung saan isang litrato mula sa Honduras ang ginamit nito.
Lalo pang kumalat ang litrato nang i-share ito ni Assistant Secretary for social media Mocha Uson.
Nauso tuloy ang salitang “simbolismo” dahil imbes na humingi ng sori, ikinatwiran pa nito na simbolismo lamang ang kanyang ginawa.
Ang bottomline dito, sunod-sunod ang kapalpakan ng PCOO at mga ahensiyang nasa ilalim ni Andanar.
Dati-rati, kapag nababatikos ang Communications Group ng Malacañang, tinatanggap naman ito ng mga opisyal.
Ngunit ngayon, idinadaan sa mga attack dogs na mga trolls, bloggers at followers ang pagresbak ng mga binabatikos na opisyal imbes na tanggapin ito bilang constructive na kritisismo.
Hindi biro ang sweldo ng mga opisyal ng Communications Group lalu na’t sila ang nagbenepisyo ng salary standardization na ipinatupad simula nang panahon ni dating pangulong Arroyo kayat hindi ba dapat tapatan ito ng maayos na trabaho imbes na trolls ang ipinapangtapat nila sa media?
Hindi rin lingid ang awayan ng mga nakaupong opisyal sa ilalim ng Communications Group.
Kalat na kalat na nagpaplastikan ang mga opisyal at nagsisiraan kapag nakatalikod ang isa’t isa.
Kayat hindi na rin nakakagulat kung may mga rigodon na nangyayari sa loob ng Communications Group dahil nga sa pagkakaroon ng mga grupo sa loob nito.
Swerte pa rin kayo dahil sa mataas pa rin ang popularidad ni Pangulong Duterte kaya’t hindi niya kailangan ang magaling na Communications Group.
Magtrabaho sana ang Communications Group imbes na pinipersonal ninyo ang mga batikos sa inyo.