PAYAG na mag-pose ng sexy ang award-winning actress na si Sylvia Sanchez sa men’s magazine pero may kundisyon.
Kinakarir ngayon ni Sylvia ang pagpapaganda ng katawan dahil na rin sa pagiging celebrity endorser ng BeauteDerm products. Sa edad na 46, at sa 27 years niya sa showbiz, ngayon lang siya nagkaroon ng endorsement.
Salamat daw kay BeauteDderm CEO na si Rhea Tan na nagtiwala sa kanya na maging ambassador ng kanilang mga produkto. Malaki na ang ipinayat ni Ibyang at batambata uli ang kanyang itsura dahil nga halos araw-araw siyang nasa gym ngayon.
Sa nakaraang presscon na ibinigay sa kanya ng BeauteDerm natanong ang aktres kung posible bang mag-pose siya sa mga magazine kung saan kailangan niyang mag-two-piece bikini. Tugon ni Sylvia, “Huwag naman two-piece. One piece, pwede na ‘yun.
“Ako naman prangka naman ako, wala naman tayong itinatago. Ilan na ang anak ko, meron tayong stretch marks. Pero kung skin, mukha, okay naman ako diyan. Kasi ayokong mag-two-piece tapos dadayain, dapat ipakita natin ‘yung natural.
“Kaya nga nu’ng tinanggap ko itong endorsement na ito, gusto kong ipakita ‘yung totoong ako, ayokong dayain. So, ganu’n din pag nag-one piece ako sa pictorial,” sey pa ng aktres.
E, kung may offer ang FHM sa kanya na maging cover girl bilang isa sa mga celebrity hot momma tulad nina Jean Garcia, Dina Bonnevie at Eula Valdez, papayag ba siya? “Kapag siguro naging 19 inches uli ang bewang ko. Ha-hahaha! Pag na-reach ko yung 19, why not? Pero hangga’t 28 ang bewang ko, huwag na.”