NASAKSIHAN ng Kapamilya singer-comedian na si Mitoy Yonting ang ilang eksena sa loob ng Resorts World Manila kaninang madaling-araw nang magsimulang magkagulo ang mga naroon.
Sa interview ng ABS-CBN, ikinuwento ni Mitoy na nagpe-perform sila sa first floor ng Resorts World Manila nang maganap ang kaguluhan sa loob ng resort-casino.
“Sa ground floor kami, sa Bar 360 nagpe-perform. Sa second floor nangyari ‘yung insidente pero nu’ng nagtakbuhan na nga sa second floor pababa, nakita namin. Sa personal kong nakita ay ‘yung nagtakbuhan na ang mga tao.
“At first kasi may mangilan-ngilan na kaming nakitang nagsuntukan doon, nag-away doon na players, nagkagulo. Kaya sabi ko baka may nagsuntukan na naman. Baka may nag-away na naman. Pero noong pangalawang bugso ng takbuhan, parang iba na.
“Tapos mayroon na kaming narinig na putok nga kasi second floor ‘yon. Masyadong malaki ang lugar kaya ‘yung tunog ng putok ay maririnig mo talaga na automatic rifle ang ginagamit,” kuwento ng singer.
Pagpapatuloy pa ni Mitoy, “Sabi ko nga sa mga tao, huwag kayong mag-alala, don’t panic, para di magkagulo. Pero sabi ko nga, noong second wave na ng takbuhan ng tao, eh hindi na ako nagsalita. Bumaba kami, pinababa ko ‘yung grupo, ‘yung banda, at pumunta kami sa dressing room. Kasi sa dressing room, may exit at doon kami lumabas.
“Pero sa lakas ng putok eh bumalik na naman kami papasok. Tapos humahanap kami ng ibang direksyon palabas,” sabi pa ni Mitoy sa nasabing panayam.
“Noong lumabas kami sa Duty Free sa may gilid ng mall, paglabas mismo namin ng Resorts World noong nasa kalsada kami, eto na naman, may takbuhan na naman. Parang mga tatlong beses kaming tumakbo at ‘yun nga ‘yung dalawang kasama ko. Dumiretso kami ng Villamor Air Base kasama ng siguro more or less mga 100 persons kaming nakapasok doon sa Villamor Air Base. Tapos ni-lock nila ‘yung gate,” kuwento pa niya.
Bandang 2 a.m. na raw siyang nakauwi ng bahay, “Iniwan ko na sasakyan ko, pati nga mga gamit namin nasa stage pa. ‘Yung gitara, mga gadget, nandoon pa talaga.”
Pinayuhan din ng singer-comedian ang mga Pinoy na maging mas vigilant ngayon, “Kasi kagabi na experience ko, lahat pwedeng mangyari kasi may mga galamay pa yan. I mean may sniper, nagpapakamatay para makapangdisgrasya, makapangdamay.
“Siguro sabi ko pwedeng maging praning pero in a good way na ‘yung alerto ka. Tingnan mo ‘yung paligid, tingnan mo kung saan ka makakatakbo, tingnan mo kung saan ka pwedeng sumuot anu’t anuman ang mangyari.
“Kung makakagawa ka ng paraan, maging alerto ka. Minsan hindi din masamang magduda sa tao,” pagtatapos ni Mitoy sa panayam ng ABS-CBN.
MOST READ
LATEST STORIES