NAPAKAGANDANG Darna ni Liza Soberano. Walang pinipiling anggulo ang young actress na ito. Tama ang desisyon ng Star Cinema na siya ang gawing bida sa makasaysayang nobela ni Uncle Mars Ravelo.
Halos lahat ng mga nakaraang gumanap bilang Darna ay mestisa. Akmang-akma ang kagandahan ni Liza bilang Darna. Malaki ang iuungos ng kanyang career sa pagganap bilang bida sa pelikula.
Balitang si Onyok ang gaganap bilang si Ding. Ayon sa mga nakamasid ay parang hindi bagay ang child actor para sa role. Magkalayo ang kanilang itsura. Kung tisay si Liza ay Asyanong-asyano naman ang itsura ng bata.
Pero kung kabibuhan at galing sa pag-arte ang pag-uusapan ay walang dudang magagampanan ni Onyok ang papel na sidekick ni Darna.
Hindi man nagsasalita ang ibang artista ay meron siyempreng naapektuhan sa pagkapili kay Liza Soberano para gumanap bilang si Darna. May kasamang ganu’n ang kuwento.
Marami silang pinagpilian, mahigpit daw ang laban, pero ang sinuwerteng nakakuha ng role ay ang alaga ni Ogie Diaz.
Natural, kung maraming masaya sa pagkapili kay Liza ay meron ding nalungkot, nakahulagpos kasi sa kanilang mga kamay ang isang pelikulang magmamarka sa kasaysayan.