Nangangarap makapag-barko (2)

Sulat mula kay Topel ng Savana, Bucana, Davao City
Problema:
1. Matagal na po akong tapos ng kursong HRM pero ang talagang pangarap ko ay ang makapagbarko. Kaya nag-training ako at kumuha na ng SOLAS dahil may kaibigan akong tumutulong sa akin na nasa barko na para makapagbarko rin ako. Ang kaso magkakalahating taon na ay wala pa ring malinaw na resulta sa apply ko.
2. Kaya naisipan kong sumangguni sa inyo upang itanong kung may pag-asa pa kaya akong makapagbarko. Sabi naman ng kaibigan ko ay huwag daw akong mawalan ng pag-asa dahil pagbaba niya raw sa buwan ng June ay ipahuhugot niya na raw sa agency na kakilala niya ang pangalan ko. Sa palagay n’yo, totohanin kaya ng kaibigan kong ito ang kanyang pangako sa akin at suwertehin na kaya akong makapag-barko sa taong ito ng 2017? March 10, 1988 ang birthday ko.
Umaasa,
Topel ng Davao City

Solusyon/Analysis:
Astrology:
Ang zodiac sign mong Pisces (Illustration 2.) ang nagsasabing sa taong ito ay susuwertehin ka sa lahat ng aspeto ng buhay, higit lalo sa buwan ng Hunyo, Hulyo hanggang Agosto. Mas lalo itong magkakatotoo kung ang kaibigan mong tumutulong sa iyo ay isang Cancer o kaya’y Scorpio. Totoo, positibo ang magaganap sa taong ito– mabilis kang makapagbabarko.
Numerology:
Ang birth date mong 10 ay nagsasabing sa sandaling nakapagbarko ka, tuloy-tuloy at magpapabalik-balik ka na sa abroad, hanggang sa tuluyang yumabong at umunlad ang iyong kabuhayan. Dadami ang iyong ipon at ang iyong suweldo ay lalaki hanggang sa makapagpundar ka ng mga ari-arian.
Luscher Color Test:
Upang mas mabilis na matupad ang mga paga-aanalisang binanggit na sa itaas, lagi kang magsuot ng kulay na berde at dilaw. Ang nasabing mga kulay ang magbibigay sa iyo ng mas marami pang suwerte at magagandang kapalaran.
Huling payo at paalala:
Topel, ayon sa iyong kapalaran, may takdang panahon ang lahat ng bagay at ang takdang panahon sa iyong buhay ay dumating na. Tulad ng nasabi na— sa taon ding ito ng 2017 sa buwan ng Hunyo, Hulyo o kaya’y Agosto, sa edad mong 29 pataas, matutupad na ang malaon mo nang pangarap – may isang mabunga at mabiyayang pagbabarko na itatala sa iyong karanasan.

Read more...