Malalim ang tahimik na dagat

DALAWANG taon matapos maganap ang Mamasapano massacre, ipinakita na naman ng Special Action Force (SAF) sa buong mundo na ito ang pinakapalpak na commando unit sa buong mundo nang sumali ang elite police force sa bakbakan sa Marawi City.

Isang armored personnel carrrier ng SAF ang nakuha ng mga miyembro ng Maute group at ngayon ay ginagamit laban sa mga tropa ng gobiyerno.

Kung papaano napunta ang armored personnel carrier, na may lulan na mga SAF troopers, sa mga kamay ng mga Maute na walang training sa combat ay parang sineng starring Dolphy at Panchito.

Ang APC ay nabalahura sa putikan at di na makaahon kaya’t iniwan na ito ng mga SAF at naagaw ng mga bandidong Moro.

Ngayon, ang misyon naman ay mabawi ang APC sa mga bandido.

Noong 2015, minasaker ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang 44 SAF commandos, na kasama sa isang malaking grupo na nabigyan ng misyon na hulihin ang isang Malaysian bomb expert na nagtatago sa kampo ng mga Moro.

Ang insidente sa Mamasapano ang pinaka-nakakahiyang pangyayari sa kasaysayan ng SAF hanggang nangyari ang insidente sa Marawi.

***

Sinulat ko sa aking column dito sa Bandera na maaaring ang mga miyembro ng Maute group ay lango sa shabu kaya’t wala silang takot na makipaglaban sa mga heavily-armed government troops.

Nakumpirma ang aking hinala nang isang residente ng Marawi, isa ring Maranaw, ang nagsabi sa akin na laganap ang paggamit ng shabu sa Marawi City.

Tinawag ng aking source ang Marawi na “shabu capital of the Philippines.”

Ang dating mayor ng Marawi na si Fahad Salik ang nagpakalat ng shabu sa lungsod, ayon sa aking source.

Si Salik ay isa sa mga government officials na idinawit ng Pangulong Digong sa drug trafficking.

 

***

Binisita ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, chief ng Philippine National Police (PNP), ang kanyang mga tropa sa Marawi City.

Nakasuot ito ng bullet-proof vest at nagdala ng MP-5 machine pistol na gawa sa Germany.

In contrast, ang kanyang matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ay nagsuot lang ng fatigue uniform at walang burloloy sa katawan.

Si Bato atapang a tao atakot sa rebentador.

***

Ang counterpart ni Bato sa law enforcement ay si Director Dante Gierran, director ng National Bureau of Investigation (NBI).

Pareho silang dalawa na Bisayang Sugbuhanon pero sila’y magkaibang-magkaiba.

Si Gierran ay tahimik na nagtatrabaho at ayaw ng publisidad pero ginagalang at kinatatakutan ng kanyang mga tauhan.

Si Bato naman ay naghahamon ng barilan o suntukan sa kanyang mga tauhan pero wala namang accomplishments.

May kasabihan na ang tahimik na dagat ay malalim at ang mababaw na dagat ang maingay.

Read more...