STAR PUNTIRYA ANG IKA-9 PANALO

 

Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4:15 p.m. San Miguel vs Blackwater
7 p.m. Star vs Alaska
Team Standings: Ginebra (8-2); Star (8-2); San Miguel (7-2); TNT KaTropa (8-3); Meralco (7-4); Rain Or Shine (5-6); Alaska (4-6); GlobalPort (4-6); Phoenix (4-7); Mahindra (3-7); Blackwater (2-8); NLEX (2-9)

MAKAKASAGUPA ng Star ang Alaska para sa huling laro nito sa elimination round ng PBA Commissioner’s Cup.
Kapag nagwagi ang Hotshots ay mahahawakan nito ang solong liderato sa kartadang 9-2.
Gayunman, hindi pa rin nakakasiguro ang Star na makakakuha ito ng twice-to-beat incentive sa playoff round na nakalaan para sa top two teams ng elims.
Ito ay dahil hindi hawak ng Star ang kapalaran nito sa puntong ito.
Kapag nawalis din kasi ng San Miguel Beer at Barangay Ginebra ang mga natitira nilang laro sa elims ay magtatapos din sila na may 9-2 record. Sa tie-break ay tiyak na dehado ang Hotshots dahil ang tanging dalawang kabiguan nito sa elims ay kontra Beermen at Gin Kings.
“We expected a grind-out game versus Alaska because both teams need to win for positioning in the quarterfinals,” sabi ni Star coach Chito Victolero.
Sa ngayon, ang tanging magagawa lang ng Star ay maipanalo ang huling laro laban sa Alaska at manalangin na matalo ng isa pa ang San Miguel at Ginebra.
Makakasagupa ang San Miguel ngayong alas-4:15 ng hapon ang napatalsik nang Blackwater Elite sa Cuneta Astrodome.
Ang huling laban ng Beermen ay kontra GlobalPort sa Biernes sa Smart Araneta Coliseum.
Isasara naman ng Ginebra ang elims sa pagsagupa sa Mahindra sa Biernes din.

“Walang choice. Must-win kami in our last two games,” sabi ni San Miguel coach Leo Austria. “One win may get us there sa top two pero kailangan dalawa, para sigurado.”
Sa pambihirang pagkakataon naman na matalo sa mga huling laro nito ang San Miguel, Ginebra at Star ay pawang magtatapos ang mga ito na may 8-3 kartada katabla ng TNT KaTropa.
Samantala, ang Alaska rin ay umaasa na makakasungkit ng importanteng panalo ngayon.
Kasalukuyang tabla sa ikapito at ikawalong puwesto ang Alaska at GlobalPort na parehong may 4-6 baraha.
Pero nakatutok lang sa ika-9 at ika-10 puwesto ang Phoenix (4-7) at Mahindra (3-7).
A ng top 8 teams lang sa pagtatapos ng elims ang uusad sa playoffs at ang nasa hulihang apat ay maagang magbabakasyon. —Angelito Oredo

Read more...