Amnesty program sa Middle East bakit patok sa Pinoy?

HALOS linggo-linggo ang pagpapauwi sa ating mga kababayan mula sa Gitnang Silangan.

Sa June 30, 2017 pa magtatapos ang programa para mapauwi ang mga dayuhang ilegal nang nananatili sa Saudi Arabia at wala nang anumang aalalahanin pa, hugos ang mga Pinoy na agad nagparehistro at nais na lang na bumalik sa Pilipinas.

Dati-rati, maging sa Bantay OCW program, sanay na kaming hindi pinapansin ng mga kababayan natin ang mga alok na amnesty program sa bansang kanilang kinaroroonan.

Gayong hindi na sila pagbabayarin pa ng mga multa at overstaying fees, mas pinipili nilang manatili at patuloy na magtrabaho doon kahit ilegal pa ang kanilang katayuan. At palaging maririnig ang mga salitang “bahala na”.

Pero kamakailan nang mag-anunsiyo ang Middle East na bukas na ang kanilang amnesty program para sa mga dayuhang wala namang kasong kinakaharap maliban sa pagiging overstaying, ikinagulat din ng Bantay OCW ang positibong pagtanggap ng mga kababayan natin sa program. Nakakatuwa pa dahil nagkataon na ang programa ay ipinatupad sa kalagitnaan ng opisyal na pagbisita  ni Pangulong Duterte sa Saudi Arabia.

Kaya naging mas mabilis ang pagpapauwi sa kanila. At higit sa lahat, patok talaga ito sa ating mga kabayan, dahil sinagot ng pamahalaan ang kanilang plane ticket pabalik ng Pilipinas.

Mabigat din ang pamasahe sa eroplano. Kung may natatabi pa nga sila kahit kaunting pera, mas minabuti pa nilang iuwi iyon sa pamilya o di kaya’y maipambili ng kahit kaunting pasalubong.

Kaya naman iyan ang pangunahing dahilan kung bakit marami ang piniling mag-apply na lamang ng amnesty dahil hindi na nga nila poproblemahin pa ang kanilang pamasahe pauwi.

Dati-rati kasi kapag may ganitong programa at gusto naman talaga nilang makauwi na, wala silang magawa kundi ang manghingi ng tulong sa mga kapamilya o kaibigan sa Pilipinas.

Nagpapadala sila ng pera sa OFW na minsan ay mahabang mga taon ding nanatili ng ilegal sa abroad.

Pero sana naman huwag nang hintayin pa ng ating mga kababayan ang ganitong mga programa kung pipiliin nilang palaging sumunod sa batas at manatiling legal sa kanilang pag-aabroad.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming:  www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...