INAMIN ni PBB Lucky Season 7 Big Winner Maymay Entrata na napi-feel na niya ngayon ang matinding pressure bilang isang artista.
Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin siya makapaniwala sa sunud-sunod na proyektong ibinibigay sa kanya ng ABS-CBN at Star Magic, ilang buwan pa lang ang nakararaan matapos siyang lumabas ng Bahay Ni Kuya.
Ayon kay Maymay, kahit na medyo nasasanay na siya sa buhay sa showbiz, hindi pa rin maiwasan na makaramdam siya ng takot at kaba.
“Masasabi ko po talaga na sa umpisa ang lahat po siguro nakakarananas ng kahirapan po. ‘Yung mga biglaang mga opportunities, siyempre nape-pressure din ako kasi gusto ko rin gawin ang best ko sa maliit man na bagay o malaking bagay na ibinibigay sa akin, lalo ng ABS-CBN,” sey ni Maymay sa panayam ng ABS-CBN.
Hirit pa niya, “Pero unti-unti ko na pong nai-enjoy ‘yung mga nangyayari sa buhay ko ngayon, dito sa buhay showbiz, natatanggap ko na po siya.”
Dagdag pa ng dalaga, mas lumalakas ang loob niya dahil sa pagmamahal ng kanyang mga tagasuporta na walang-sawang sumusuporta sa loveteam nila ni Edward Barber.
Pahayag pa ni Maymay sa nasabing interview, “Siguro po kung hindi rin sa tulong ng Star Magic at sa mga taong sumusuporta po sa akin wala naman talaga akong matatanggap na opportunity kaya ‘yung willingness po na bigyan sila ng kasiyahan at maibigay sa kanila ‘yung gusto kong maipakita para sa kanila.”
Nang matanong tungkol sa kanyang pamilya, ibinalita ni Maymay na kailangan muna niyang tiisin ang pangungulila sa kanyang pamilya na naiwan sa probinsya. Ang nanay naman niya ay patuloy na nagtatrabaho sa Japan.
“Ngayon po ‘yung family ko po nasa Camiguin, ‘yung mama ko naman nasa Japan po kasi pinaplano pa po talaga namin kung paano kami magsasama-sama. Lahat kasi hindi naman po talaga madali ‘yung proseso kaya ngayon po pinaplano ko po talaga nang maigi para dumating ‘yung panahon na magkakasama na kaming lahat,” ani Maymay.