Lacierda sisibakin na? Ows?

TOTOO kayang sisibakin na si Presidential Spokesperson Edwin Lacierda sa kanyang pwesto at ang ipapalit ay walang iba kundi ang last termer na si Sen. Francis Pangilinan na ga-graduate na sa Senado sa Hunyo 30?
Nagbakasyon si Lacierda ng dalawang linggo kamakailan at bagamat bumalik na nitong nakaraang linggo, isang beses lamang siya nagpa-briefing sa Malacañang at iyon ay noong Miyerkules.
Mahigit dalawang linggo ay si Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte ang humarap sa media at noong Martes ay si Communications Secretary Ricky Carandang naman ang sumalang sa presscon.
Tinext na si Secretary Lacierda hinggil sa kumakalat na pagtsugi sa kanya at papalitan na siya ni Pangilinan. Sumagot naman sa text pero deadma sa tanong. No comment daw.
Mismong sa Senado galing ang impormasyon hinggil sa pag-upo ni Pangilinan. Bukod kay Pangilinan, papalitan naman daw nang ga-graduate din na si Senador Ping Lacson si National Security Adviser Cesar Garcia.
May kumpirmasyon na ang Palasyo sa pag-upo ng dalawa, pero hinggil sa pwestong ibibigay sa kanila sa Gabinete, hindi na nagbigay ng mga detalye si Pangulong Aquino.
Nitong mga nakaraang araw, naging tahasan naman ang pagsasabi ni Pangulong Aquino na hindi siya nasisiyahan sa trabaho ng kanyang Communications Group. Bagamat sinisi pa rin ang media na hindi lumalabas ang mga magagandang balita at programa ng administrasyon, aminado siya na may pagkukulang ang kanyang Communications Group kung paano maipapahayag sa publiko ang ginagawa ng gobyerno.
May pagkakataon pa ngang hindi niya ginamit ang inihandang speech sa kanya at bagkus ay nagbigay na lamang ng mensahe ng walang binabasa.
Mismong kay PNoy na galing na may problema ang kanyang Communications Group bukod pa sa paksyon sa loob ng kanyang Gabinete.
Bagamat si Lacierda ay kilalang malapit kay DILG Secretary Mar Roxas, si Pangilinan naman ay miyembro ng Liberal Party. Bibigyan ba ng bagong posisyon si Lacierda o mananatili sa kanyang pwesto? Malalaman na natin ito sa darating na ilang araw sa pagtatapos ng termino nina Pangilinan at Lacson sa Hunyo 30.
q q q
Opisyal nang inihayag sa publiko ang naging resulta ng imbestigasyon hinggil sa pagsabog sa Two Serendra sa Global City, Taguig na ayon kay Secretary Mar Roxas ay dulot ng gas explosion at hindi ng anumang bomba.
Noong una pa lamang, gas explosion na ang nakikitang dahilan ng pagsabog bagamat umabot ng isang linggo bago ihayag ang opisyal na resulta ng imbestigasyon.
Ang impresyon tuloy ng publiko, talagang pinapatagal lamang ang paglalabas ng imbestigasyon dahil lumalabas na may pagkukulang nga ang pamunuan ng Two Serendra na ang may-ari ay ang mga Ayala. Kilalang malapit sa administrasyon ang mga Ayala. Katunayan, sa biyahe ni Pangulong Aquino sa Myanmar noong Biyernes para dumalo sa World Economic Forum, nag-host pa ng dinner ang mga Ayala.
Ang tanong ngayon ng marami, mapananagot ba ang mga Ayala ng gobyerno ngayong sinasabi ng resulta ng imbestigasyon na gas explosion ang nangyari? Ang sagot lamang ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte nang tanungin hinggil dito ay bagamat natukoy na ang sanhi ng pagsabog, hindi pa tapos ang imbestigasyon na isinasagawa. Abangan natin kung ano pa ang iaanunsiyo ni Secretary Roxas hinggil dito.
q q q
Grabe na naman ang trapik noong isang Biyernes partikular sa Maynila kung saan natrapik si Pangulong Aquino habang papunta sa kanyang dadaluhang pagtitipon sa Taguig. Ang siste wala kang makikitang mga traffic enforcer sa kalye partikular sa may Morayta at kahabaan ng España.
Ang biruan tuloy ng mga drayber ay nasa city hall at naghahatian ng huling parte nila.
Nakatakda nang umupo si Manila mayor-elect Joseph Estrada sa pagtatapos ng termino ni Mayor Alfredo Lim sa Hunyo 30. Kitang-kita ang pagnanais ng mga tao na mapalitan ang mga traffic enforcers sa Maynila sa harap na rin ng talamak na lagay sa lungsod, bukod pa sa kabiguang maayos ang problema sa trapik. Napakaraming problemang dapat ayusin ni Estrada sa Maynila at ang tanong ng lahat may pagbabago nga bang aasahan sa bagong liderato ng dating pangulo.
(Editor: May komento, reaksyon ba kayo sa kolum na ito? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)

Read more...