Martial law sa Kongreso

BUGOK ang magsasabi na may nakuhang “pogi points” si House Majority Leader Rodolfo Fariñas sa inasal niya sa mga opisyal at empleyado ng Ilocos Norte provincial government sa Kamara kahapon.
Dahil sa hindi lamang niya nagustuhan ang sagot ay ipinakulong niya sa detention room ng sergeant-at-arms ng Kamara sina provincial treasurer Josephine Calajate, mga tauhan niyang sina Genedine Jambaro, Encarnacion Gaor, Eden Battulayan, provincial planning at development office chair na si Pedro Agcaoili, at ang provincial budget officer na si Evangeline Tabulog.
Pero hindi roon umano naangasan ang ilang nakasaksi sa pangyayari. Ayon sa kanila, nagulat/nainis sila kay Farinas nang tila tuyain nito ang isa sa mga babaeng empleyada, si Jambaro, dahil nakita niya itong umiiyak habang ineeskortan para i-detain. At dahil din sa dinanas na takot at kahihiyan, isa pang empleyada, si Gaor, ay hinimatay naman.
Humarap ang anim sa ikatlong araw ng pagdinig ng House committee on good government and public accountability kaugnay sa paggamit ng Ilocos Norte sa tobacco excise tax shares nito sa pagbili ng mga sasakyan na nagkakahalaga ng P66.45 milyon na maanomalya raw ayon kay Fariñas.
Matatandaang inamin na ng pamahalaan ng Ilocos Norte na ipinambili nga ng mga sasakyan ang bahagi ng nasabing buwis pero niliwanag nito na para iyon sa mabilis na transportasyon ng mga produktong tabako mula sa taniman patungo sa pabrika at pamilihan.
Ani Gov. Imee Marcos, dahil ang mga tobacco farmers pa rin ang makikinabang sa buwis, hindi nalabag ang RA 7171 kung saan nakasaad na ang 15 porsyento ng cigarette excise taxes ay ilalaan sa pondo para sa ikauunlad ng mga magsasaka, na maaring gamitin ang pera sa kooperatiba, livelihood, agro-industrial, at infrastructure projects.
At dahil hindi nakadalo si Marcos, na mayroong medical emergency at binigyan na ng ultimatum ng mga miyembro ng komite na kailangang dumalo sa susunod na pagdinig kundi ay iko-contempt ito at aarestuhin, ang mga ipinadalang opisyal ng gobernadora ang tinangkang gisahin ni Fariñas.
Paulit-ulit na tinanong ng mambabatas kung natatandaan nina Jambaro at Gaor ang mga nilagdaan nilang dokumento ukol sa pagbili ng sasakyan, pero dahil ilang taon na umano ang mga purchase order—may mga petsang 2011 at 2012 pa-— at sa dami ng mga dumadaan sa kanilang papeles ay sinabi ng dalawa na hindi na nila ito maaalala.
Napikon ang House Majority Leader at habang tumatawa ay sinabi nito na “Walang maniniwala sa iyo!” at “Magpapalusot kayo, lalong dadami kaso n’yo!” bago nito hilingin sa komite na idetine ang anim na opisyal.
Giit ng komite, pakakawalan lamang umano ang anim kapag nagsabi na nang totoo ang mga ito sa pagdinig.
Nakakatakot naman palang humarap sa Kamara ngayon dahil kapag namali ka ng sagot o tumangging sumagot o sumagot nang totoo ayon sa iyong kaalaman pero iba ang gustong isagot mo ng mga mambabatas ay maaari ka nang ikulong at kasuhan.
Akala ko ba sa Mindanao lang may martial law, umabot na rin pala ito sa Kamara.

Read more...