HULA Ahoop: Ang idiomatic expression na “to push daisies” ay may morbid na connotation. It means “to die.”
Pero kakaiba ang kuwentong ito tungkol sa isang showbiz personality na may pangalang kuha rin sa isang uri ng bulaklak na ang mga tao yatang ginawan niya ng mga kalokohan would want to literally push her sa kanyang paglilibingan.
May bago kasing istorya tungkol sa kanyang pagiging tuso. Once a balikbayan friend came to see her, may bitbit itong pitong iba’t ibang branded bags na paninda dapat nito.
Ang siste, nang mailatag na ng negosyante ang kanyang mga kalakal ay walang kaabug-abog na dinampot ng showbiz personality ang isa roon. Walang nagawa ang negosyante kundi ipamigay na lang ang bag, sa isip-isip niya’y babawi na lang siya sa anim pang natitira.
Hindi pa nakuntento ang showbiz personality, binitbit din niya ang anim pang branded bags. Ang sabi’y ibebenta raw niya ‘yon, or so the businesswoman thought.
Dumaan ang ilang araw. Asang-asa ang negosyante na sa anim na bags ay may naibenta man lang kahit ilang piraso ang katransaksiyon niya.
Kaso, nang muling magpakita sa kanya ang showbiz personality ay isinoli niya ang mga ‘yon, pero kulang ng isa. “Naku, limang bag lang ‘yung kinuha ko sa ‘yo!” halos makipagpatayang giit ng showbiz personality.
Pero may kasabihang anumang baho ay aalingasaw rin. Natuklasan kasi ng negosyante na ‘yung missing bag ay nasa ibang tao na, na-trace ‘yon dahil sa serial number.
Pero kung inakala n’yong napahiya ang showbiz personality dahil sa pandaraya niya, puwes, nagpalusot na lang ito na babayaran na lang niya ang bag na ‘yon.
Naku, lalong disgrasya! Siya, magbabayad?! Kung ang mga kasalanan nga niya sa buhay, hindi pa niya napagbabayaran, ‘no!