WALA pa kaming naririnig na kumpirmasyon mula kay anak-anakang Ogie Diaz kung totoo na ang kanyang alagang si Liza Soberano ang bibida bilang bagong Darna ng ABS-CBN-Star Cinema.
Gusto na lang naming isipin na sa tagal na sa lokal na aliwan ni Ogie ay alam nito na meron pang magiging mga pagbabago habang hindi pa gumigiling ang mga camera.
Pero gusto na naming isipin na sana nga ay si Liza na ang lumipad para maging Darna. Karapat-dapat siya sa role kahit daanin pa ang pagsusulit sa lahat ng aspeto.
Napakagandang Darna ni Liza Soberano. Hindi nakasasawa ang kanyang ganda. ‘Yun ang kagandahang bumibihag sa mga bagets na nakiktia naming nagtitiyagang kunan ng retrato pati ang pag-eendorso ng produkto ng dalaga na nakakabit sa mga likod ng bus.
Subok na rin ang husay sa pag-arte ni Liza, konting-konting ayuda pa at wala na siyang kulang, kaya sana nga ay siya na talaga ang masuwerteng artista ng ABS-CBN na napili para makasunod ni Angel Locsin sa pagganap na Darna.
Napakalaking dagdag sa popularidad at estado ni Liza Soberano kapag nakuha niya ang markado at makasaysayang oportunidad na ito.