WALA raw isang salita si Star coach Ercito Victolero dahil sa pinauwi niya ang import na si Tony Mitchell.
Mangyari, nang dumating sa bansa si Mitchell ay impressed kaagad sa kanyang skills si Victolero. May isang courtside reporter ng PBA na nagtanong kaagad sa kanya kung ano ang masasabi niya patungkol sa kanyang import.
Nasabi ni Victolero na wala siyang reklamo at okay nga ang kilos nito. Idinagdag niya na kahit hindi pa nagsisimula ang Commissioner’s Cup ay masasabi niyang tatapusin nito ang torneo. Ibig sabihin ay hindi na siya magpapalit ng import. Pero ano raw at tsinugi niya si Mitchell?
E, kung ikaw si Victolero ay susugal ka pa rin ba kay Mitchell ngayong alam mong adik siya sa fouls. Hindi nito mapigilan ang sarili sa pagkuha ng fouls. Kagat nang kagat sa galaw ng binabantayan. Ayaw umiwas na madikit sakaling may drive o may rebound battle. Puwede namang kumuha ng magandang posisyon pero hindi nito magawa.
So, balewala ang galing niya sa rebounds at pagpuntos kung matagal siyang nakaupo sa bench dahil sa mga fouls. Hindi siya mapakinabangan nang husto. Nahihirapan tuloy ang mga locals na punan ang kanyang pagkawala.
E, hindi naman ganoon dapat ang maging sitwasyon. Dapat ay siya ang aasahan ng mga locals. Siya ang bubuhat sa team. Siya ang poproblemahin ng kalaban.
So, hindi masisisi si Victolero na pauwiin si Mitchell.
At tama ang naging desisyon ng Star na magpalit ng import.
Available ang dati nilang import na si Ricardo Ratliffe kung kaya’t ito ang kanilang kinuha. Subok na si Ratliffe dahil sa umabot sila sa quarterfinals ng conference na ito noong nakaraang season. Natalo nga lang sila sa San Miguel Beer pero hindi matapos na makapagbigay ng magandang laban.
Hayun at mula nang dumating si Ratliffe ay umangat ang performance ng Star. Nakapagposte ng back-to-back na panalo ang Hotshots laban sa TNT Katropa (107-97) at Meralco (108-90).
Laban sa Tropang Texters, si Ratliffe ay nagtala ng 37 puntos, 22 rebounds, tatlong blocks at dalawang assists. Kontra sa Bolts, siya ay gumawa ng 32 puntos at 13 rebounds.
At dahil sa panalo kontra Meralco ay nakuha ng Hotshots ang unang puwesto sa record na 8-2. Kung magwawagi sila sa huling game kontra Alaska Milk sa Mayo 31, ay masusungkit nila ang twice-to-beat advantage sa quarterfinal round.
Hinahabol sila ng San Miguel Beer at Barangay Ginebra. Sakaling magtabla ang tatlong teams na ito, malalaglag sa ikatlong puwesto ang Star. Natalo kasi sila sa Beermen at Gin Kings.
So, all important ang game kontra sa Aces at kailangang ilabas ni Ratliffe ang lahat para masiguro ang panalo. Iba na rin siyempre ‘yung minsan ka lang kailangang manalo para makarating sa semifinal round.