TULALA si Sylvia Sanchez nang makita niya ang ilang billboards ng kanyang unang endorsement, ang Beauté-derm, na naka-display sa ilang lugar sa Metro Manila at probinsiya. First time niyang nakita ‘yon sa launching niya bilang bagong ambassador kaya naman hindi siya nagsalita at pawang pasasalamat na lang ang nasabi niya.
Bilang paghahanda sa kanyang press launch, todo-workout ang magaling na aktres. Komo beauty soap ang kanyang ineendorso, gusto rin niyang physically fit din siya.
“Kailangan kasi para hindi lang kasi mukha ang kailangang makita ng mga tao. Dahil ikaw ang nakikita sa Beautéderm, kailangang susunod din ang katawan. Kasi aminin natin, ang laki ko!
“Lumiit na po ako dahil nagdyi-gym ako araw-araw! Ha! Ha! Ha!” rason ni Sylvia sa presscon kahapon na ginanap sa Cities 30 Events Place.
“Pag fit ka talaga, pag nagdyi-gym ka, pati ‘yung skin mo nagiging fresh, nagiging bata. Ako aminado ako, hindi ako nagsasabon sa mukha ko. Never akong nagsasabon.
“Dumating nga si Rhea (owner ng brand). In-introduce niya ‘yung papaya at orange na soap. Nagustuhan ko. Okay naman sa akin kasi hindi ako nagsasabon dahil sensitive ako lalo na ang mukha ko. Ang bilis mag-react!
“Pero doon sa kanya, hindi nagre-react kaya ko siya nagustuhan. Mahirap din kasi na tatanggap ka nang ine-endorse mo tapos, hindi ka naniniwala. Pag inendorso mo ang isang bagay, dapat yayakapin mo ‘yon. Dapat mamahalin mo. ‘Yun ang ginawa ko.
“So sabay-sabay na lahat. Pagyakap, pagmamahal sa ineendorso kong Beautéderm,” paliwanag pa ng aktres.
Pero itinanggi ni Sylvia na after ng drama series niyang The Greatest Love, choosy na siya sa pagtanggap ng mother roles.
“Gusto ko lang mailayo sa character kong si Gloria. Dapat maiba roon. Kaya naman namimili ako dahil lang doon,” katwiran pa ng magaling na aktres.
Habang pinag-uusapan pa ang susunod niyang programa, gagawa muna si Sylvia ng indie film na malayung-malayo sa ginampanan niyang character sa The Greatest Love.