6 foreign terrorists patay sa Marawi –AFP

20170525im_jm06-620x414
Aabot sa anim na banyagang terorista ang kabilang sa mga napatay sa pakikipagsagupa sa mga tropa ng pamahalaan sa Marawi City, ayon sa militar.
Sa 31 teroristang napatay, nakilala na ang 12, kung saan kalahati umano’y banyaga, sabi ni Armed Forces spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla sa isang pulong-balitaan sa Davao City.
“There are Malaysians, Singaporeans, and in the fight that has been ongoing… We are contnuously verifying that a number of them have been killed. There is a certain information we recieved which confirmed the killing of 12 members of this group and about half of that number are foreign terrorists, Malaysians, Indonesians and one other which I could not remember. That confirms the presence of these foreign terrorists,” aniya.
Ayon kay Padilla, matagal nang may mga banyagang terorista sa bansa at tinuturuan ng mga ito ang mga Pilipinong tagasunod, lalo na sa paggawa ng bomba.
Bukod sa 31 napatay na terorista, 11 sundalo at 2 pulis ang nasawi habang 39 pa sa mga tropa ng pamahalaan ang nasugatan, sabi ng AFP sa isang kalatas na inilabas Huwebes ng gabi.
Marami sa mga napatay na kawal ay tinamaan ng punglo mula sa terrorist sniper, ayon sa isang military source.
“That’s the way that they will move in areas like this… we know the threat and we are addressing this,” sabi ni Padilla nang tanungin tungkol sa presensya ng mga kalabang sniper sa Marawi.
Isa naman sa mga napatay na pulis ay pinugutan ng ulo ng mga terorista, aniya pa.
Nagsimula ang bakbakan sa Marawi noong Martes, nang magsagawa ng operasyon ang mga tropa ng pamahalaan laban sa Maute group, na pinamumunuan na umano ngayon ni Isnilon Hapilon.
Nanunog ng mga gusali, kumubkob ng mga pasilidad, at nambihag pa ang grupo, na may kaugnayan diumano sa Islamic State of Iraq and Syria, ayon sa mga awtoridad.
Dahil sa mga insidenteng kinasangkutan ng grupo’y nagdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa buong Mindanao.
Si Hapilon, isang Abu Sayyaf commander na dating madalas mag-operate sa Basilan, ay lumipat sa Lanao del Sur noong huling bahagi ng 2016 sa utos ng mg kasapi ng ISIS sa Gitnang Silangan, sabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana noong Enero.
Ang paglipat ay para umano pamunuan ni Hapilon ang pagtatayo ng isang Islamic state sa Central Mindanao, ayon sa defense chief.
Pinatungan ng Estados Unidos ng US$5 milyon sa ulo si Hapilon dahil sa kanya umanong kinalaman sa mga pag-atake sa mga Amerikanong nasa Pilipinas. (John Roson)

 

Read more...