NAGPAMALAS ng maagang paglaban subalit hindi nakayanan ng Rebisco-PSL Manila ang mas mabibilis at preparadong Hisamitsu Springs ng Japan upang agad makalasap ng kabiguan sa loob ng diretsong tatlong set lamang, 17-25, 10-25, 14-25, Huwebes ng umaga sa pagsisimula ng 2017 Asian Women’s Club Championships sa Boris Alexandrov Sports Palace sa Ust-Kamenogorsk, Kazakhstan.
Tanging sa unang set lamang nakapagpakita ng hamon ang koponan kung saan nagawa nitong itala ang 8-4 at 10-6 na abante bago nagseryoso ang dalawang beses tinanghal na kampeon sa torneo na mga Haponesa sa pagtabla sa iskor sa 11-11 at hindi na nilingon pa ang mga Pinay.
Limang sunod na puntos ang inihulog ng Japanese team para sa 16-11 abante na sinundan pa nito ng tatlong sunod na pagbomba para sa 19-12 atake tungo na sa pagpapalasap ng isang set na kabiguan sa koponan na ginigiyahan ni PH coach Francis Vicente.
Agad din naghulog ng 13-2 bomba ang mga Haponesa upang limitahan lamang sa kabuuang 10 puntos sa set ang mga Pinay para sa ikalawa nitong set na panalo, 25-10, bago isinagawa pa ang huling atake sa ikatlong set sa 11-4 pananalasa upang walisin ang laban sa loob lamang ng tatlong set, 25-14.
Sunod na makakalaban ngayon ng mga Pinay ang karibal sa pinaghahandaan nito na 29th Southeast Asian Games na Vietnam sa ganap na alas-11:30 ng umaga (ala-1:30 ng hapon, Manila time) sa pagnanais na putulin ang pitong sunod na kabiguan sa paglalaro sa internasyonal na torneo sapul ang anim na sunod sa pagsali sa FIVB Women’s World Club Championships.
“One of the models we are looking at is that of Japan because of their speed and discipline,” sabi ni Vicente. “We will be out there fighting with all we’ve got.”
Kinailangan naman ng koponan na maghanda sa kanilang mga hita at paa sa pagsasagawa ng mga drills sa lobby ng tinutuluyan nitong Shiny River Hotel dahil sa napakalamig na klima kung saan ang temperatura ay bumagsak sa 14 degrees.