Mga Laro Ngayon
(Alonte Sports Arena)
4:15 p.m. GlobalPort vs Rain or Shine
7 p.m. Barangay Ginebra vs Blackwater
Team Standings: Star (8-2); Barangay Ginebra (6-2); San Miguel Beer (6-2); TNT KaTropa (7-3); Meralco (7-3); Rain or Shine (5-4); Alaska (4-5); Phoenix (4-6); GlobalPort (3-6); Mahindra (3-7); Blackwater (2-7); NLEX (1-9)
PATATATAGIN ng Barangay Ginebra Gin Kings ang pagkapit sa itaas ng team standings sa paghahangad sa ikapitong panalo sa pagsagupa sa Blackwater Elite ngayon sa kanilang 2017 PBA Commissioner’s Cup elimination round game sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Una munang magsasagupa ganap na alas-4:15 ng hapon ang GlobalPort Batang Pier at defending champion na Rain or Shine Elasto Painters.
Agad itong susundan ng sagupaaan sa pagitan ng Barangay Ginebra at Blackwater ganap na alas-7 ng gabi.
Nakasiguro ang Barangay Ginebra ng silya sa quarterfinals matapos biguin ang San Miguel Beermen, 107-99, noong Linggo. Katabla ngayon ng Gin Kings ang Beermen sa pangalawang puwesto sa parehas na 6-2 kartada.
Pinamunuan ni Justin Brownlee ang Barangay Ginebra kontra San Miguel Beer sa itinalang 34 puntos, 12 rebounds, apat na blocks at tatlong steals habang tumulong si LA Tenorio, na naglaro sa kanyang ika-501 diretsong laro, ay may 20 puntos, anim na rebounds at walong assists.
Bitbit ng GlobalPort ang 3-6 panalo-talong kartada at kasalukuyang nasa ikasiyam na puwesto ito.
Puwersado ang Batang Pier na ipanalo ang huling dalawang laro upang manatiling buhay ang tsansang makausad sa playoffs.
Huli nitong tinalo ang Meralco Bolts, 94-86.
Huli naman nagwagi ang Rain or Shine kontra sa Barangay Ginebra, 118-112, upang pagandahin ang kartada nito sa 5-4 panalo-talo bagaman nananatili ito sa ikaanim na puwesto.
Ang unang dalawang puwesto sa quarterfinal round ay magbibitbit ang twice-to-beat na bentahe.